top of page

USA inisahan ang Australia sa Abu Dhabi Game Showcase

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 18, 2024
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 18, 2024



Sports News

Laro ngayong Huwebes – Etihad Arena

12:00 AM USA vs. Serbia 


Nagising sa tamang oras ang Team USA at napigil ang huling paghabol ng Australia, 98-92 sa simula ng USA Basketball Showcase kahapon sa Etihad Arena ng Abu Dhabi. Ang laro ay bahagi ng paghahanda ng dalawang bansa para sa Paris 2024 Olympics ngayong buwan. 


Mula sa huling tabla na 19-19 ay bumuhos ng 13-2 ang mga Amerikano upang isara ang unang quarter 32-21. Kontrolado nila ang laro hanggang biglang humabol ang Boomers sa 4th quarter at unti-unting umangat sa 61-78 butas. 


Naging apat na lang ang agwat matapos ang three-point play ni sentro Jock Landale, 90-94, at 9 na segundo sa orasan. Isinalba ni Devin Booker ang USA sa apat na free throw at naubusan ng oras ang Australia. 


Nanguna sa mga Amerikano si Anthony Davis na may 17 puntos at 14 rebound bilang reserba habang ang isa pang reserbang si Booker ay may 16. Inilipat ni Coach Steve Kerr si Anthony Edwards sa first five at agad nagbagsak ng 14 habang 14 din si Joel Embiid. 


Nagtapos na may 20 si Landale habang nag-ambag ng 17 si Josh Giddey.  Haharapin ng Boomers ang Serbia ngayong araw sa parehong palaruan. Maghaharap din ang USA at Serbia sa Huwebes. Hindi naglaro sina Kevin Durant na binabantayan ang kalusugan at Derrick White na nagsasanay pa bilang pinakabagong kasapi ng koponan kapalit ng nagpapagaling na si Kawhi Leonard. 


Pagkatapos ng Abu Dhabi ay tutuloy ang mga Amerikano sa London para tapatan ang Timog Sudan at 2023 FIBA World Cup kampeon Alemanya bago pumunta ng Pransiya.  Nabunot ang USA, Serbia, Timog Sudan at Puerto Rico sa Grupo C ng Olympics habang ang Australia ay nalagay sa Grupo A kasama ang Canada, Espanya at Gresya. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page