US, palalawakin ang base militar sa Greenland
- BULGAR

- 7 hours ago
- 3 min read
ni Jenny Rose Albason @World News | May 14, 2026

Nakikipagnegosasyon ngayon ang Estados Unidos sa Denmark kaugnay ng planong pagpapalawak ng presensiyang militar nito sa Greenland.
Ayon sa ulat, layunin ng Estados Unidos na magtayo ng tatlong bagong military base sa katimugang bahagi ng Greenland bilang paghahanda sa posibleng paglawak ng aktibidad ng Russia at China sa North Atlantic region.
Magugunitang nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng Denmark at Estados Unidos matapos ipahayag ni Donald Trump ang ideya ng pagsakop sa Greenland dahil sa pangambang maagaw ito ng Russia at China. Gayunman, mariing tinutulan ng Denmark at ng Greenland ang naturang panukala.
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang diplomatic talks ng dalawang bansa. Kinumpirma ng Denmark na may umiiral na negosasyon sa Amerika hinggil sa posibleng pagdaragdag ng military presence sa Greenland, ngunit tumanggi itong magbigay ng karagdagang detalye.
Napag-alaman na isa sa mga planong lokasyon ng bagong base ay sa Narsarsuaq, isang dating US military facility na may maliit na paliparan.
Layunin din ng proyekto na palakasin ang maritime surveillance o pagbabantay sa galaw ng mga barko at aktibidad militar sa GIUK Gap — isang mahalagang rutang pandagat sa pagitan ng Greenland, Iceland, at United Kingdom.
Sa ngayon, wala pang pinal na kasunduan ang dalawang bansa ukol sa planong ito. Nilinaw rin na hindi kabilang sa negosasyon ang anumang plano ng Estados Unidos na kontrolin o sakupin ang Greenland.
Sa kasalukuyan, iisa lamang ang military base ng Estados Unidos sa Greenland — ang Pituffik Space Base — kumpara noong panahon ng Cold War kung kailan umabot sa 17 ang kanilang mga pasilidad sa nasabing lugar.
P1.7 TRILLION, GASTOS NG US SA GIYERA SA IRAN
UMABOT na sa tinatayang $29 billion (P1.7 trilyon) ang ginastos ng Estados Unidos sa nagpapatuloy nitong giyera laban sa Iran, ayon sa isang mataas na opisyal ng Pentagon nitong Martes (oras sa Amerika).
Mas mataas ito ng $4 billion (P226 bilyon) kumpara sa naunang tantiya noong nakaraang buwan na nasa $25 billion (P.41 trilyon) lamang.
Ayon sa ulat, kabilang sa bagong kabuuang halaga ang karagdagang gastos para sa pagkukumpuni at pagpapalit ng mga kagamitang militar, gayundin ang operational costs ng hukbong sandatahan.
Gayunman, hindi agad ipinaliwanag ng Pentagon kung paano eksaktong nabuo ang kabuuang $29 billion.
Nauna nang iniulat noong Marso na tinatayang umabot na sa hindi bababa sa $11.3 billion (P639 bilyon) ang gastos ng Estados Unidos sa unang anim na araw pa lamang ng labanan na pinangunahan ni US President Donald Trump.
TRUMP, BIYAHENG CHINA PARA SA SUPERPOWER SUMMIT
BUMIYAHE patungong China nitong Miyerkules si US President Donald Trump upang dumalo sa isang inaabangang superpower summit.
Ito ang unang pagkakataon sa halos isang dekada na bibisita sa naturang bansa ang isang Pangulo ng Estados Unidos, matapos maantala ang kanyang biyahe dahil sa nagpapatuloy na giyera sa Iran.
Inaasahang magsasagawa si Trump ng masusing pakikipagpulong sa kanyang Chinese counterpart na si President Xi Jinping.
Pangunahing tatalakayin sa naturang summit ang krisis sa Iran, na kasalukuyang umaasa sa China bilang pangunahing bumibili ng kanilang langis sa kabila ng umiiral na mga sanksyon ng Estados Unidos.
Ayon sa ulat, kabilang din sa agenda ang posibleng pagbebenta ng armas ng US sa Taiwan, ang isyu sa “self-governing democracy” claim ng Taiwan, ang kontrol ng China sa rare earth exports, at ang patuloy na tensyon sa kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.
Kasama ni Trump sa delegasyon ang malalaking US business executives, kabilang sina Elon Musk at Tim Cook, batay sa impormasyon mula sa White House.





Comments