top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

UP Maroons, naghari sa Intercollegiate Badminton

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 13, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 13, 2022



Umukit ng kasaysayan ang University of the Philippines bilang kampeon ng pinakaunang edisyon ng Smart Philippine Inter-Collegiate Badminton Championships Linggo ng hapon sa Centro Atletico sa Cubao, Quezon City.


Winalis ng Fighting Maroons ang hamon ng San Beda University, 3-0, para maiuwi ang tropeo, medalya, regalo mula sa mga sponsor at P50,000.


Humataw agad ang UP sa 2-0 lamang salamat sa mga panalo ng kanilang mga baguhan.


Nakaunang puntos si Kervin Llanes kontra kay Laurence Alejo, 21-13 at 22-20, at sinundan ito ng dominasyon ni Anthea Gonzales kay Dana Alisha Navarro sa panig ng kababaihan, 21-7 at 21-7.


Tiniyak ng UP ang kampeonato sa sumunod na Men’s Doubles sa tagumpay ng mga beteranong sina Michael Adrian Clemente at Jason Vanzuela kontra kay Ramon Timothy Santos at Arjhay Lazareto, 21-16 at 21-11. Ang iba pang mga kasapi ng Fighting Maroons ay sina Lea Inlayo, Althea Rio Fuentespina, Paul Gonzales, Jaja Andres, Enzo Rivera at Susmita Ramos.


Patungo sa korona ay isa-isang pinadapa ng UP ang Ateneo de Manila (5-0) at Adamson University (5-0) noong Sabado at naging numero uno sa Grupo A matapos talunin ang University of Santo Tomas (5-0) umaga ng Linggo bago ang kampeonato. Malinis din ang kartada ng Red Lions sa Grupo B at inilista ang Technological University of the Philippines, Rizal Technological University at PUP bilang kanilang mga biktima.


Malaking tulong para sa Fighting Maroons ang kampeonato sa kanilang paghahanda para sa UAAP Season 85 kung saan magbabalik ang Badminton matapos naglaro noong Season 82. Ang National University at Ateneo ang mga kampeon noon sa kalalakihan at kababaihan.


Hindi umuwing luhaan ang Red Lions at tumanggap ng P20,000. Nakibahagi ang Ateneo de Manila at PUP-Santa Mesa sa ikatlong pwesto at parehong ginawaran ng P10,000.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page