ni Anthony E. Servinio @Sports | November 26, 2023
Winakasan ng University of the Philippines ang paghahari ng Ateneo de Manila University sa 86th UAAP Men's Basketball, 57-46, kahapon sa MOA Arena. Hihintayin pa ng Fighting Maroons ang makakalaro nila sa seryeng best-of-three sa De La Salle University o National University.
Depensa muli ang naging susi ng UP at kinailangan nila ito sa gitna ng malamyang simula. Kontrolado ng kampeon Blue Eagles ang first half, 25-22, at determinado silang hindi basta ipamigay ang korona.
Sumandal ang Fighting Maroons kay MVP Malick Diouf at rookie Francis Lopez upang ihatid ang mga mahalagang puntos. Biglang lumamig ang shooting ng Ateneo na naging hudyat ng kanilang pagbagsak.
Parehong nagtala ng tig-12 puntos sina Diouf at Lopez. Sumuporta si Janjan Feicilda sa kanyang 10 puntos. Samantala, haharapin ng University of Santo Tomas ang defending champion NU para sa titulo sa Women's Division. Sinelyuhan ng Growling Tigresses ang tiket matapos talunin ang UP, 87-83.
Pinatunayan ng UST bakit sila ang numero uno sa puntusan at first quarter pa lang ay rumatrat ng 36 kumpara sa 27 lang ng UP. Nagawang humabol ng Lady Maroons subalit hindi nila kakampi ang orasan.
Limang Tigress ang nag-ambag ng 10 o higit sa pangunguna na Kent Pastrana na my 18 puntos. Sumunod si Bridgette Santos na may 14. Malaking bawi ito para sa UST na sinayang ang 45-25 bentahe at tuluyang nagwagi ang UP sa overtime, 88-80, sa unang laro ng seryeng twice-to-beat noong Miyerkules.
Comments