Uniteam, pang-uunggoy lang sa publiko kasi wasak na!
- BULGAR
- May 21, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | May 21, 2023
PAGHINGI NG P150-M CONFIDENTIAL FUND PA LANG ANG NAGMARKA SA ISIPAN NG MAMAMAYAN NA GINAWA NI SARA SA DEPED—Matapos mag-resign sa partido niyang Lakas-CMD, nanawagan si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa mga kapwa niya pulitiko na magpokus sa trabaho at isantabi ang pamumulitika.
Kung magsalita si Sara, feeling niya ay talagang nakatutok siya sa kanyang trabaho bilang secretary ng Department of Education (DepEd), feeling niya may mga nagawa na siyang mabuti para sa kapakanan ng mga guro, mag-aaral at sistema ng edukasyon sa bansa, pero ang totoo naman ay wala pa. Ang tanging nagmarka sa isipan ng mamamayan na kanyang ginawa ay ‘yung paghingi niya ng P150 million confidential fund para sa kanyang tanggapan sa DepEd, boom!
◘◘◘
HINDI MAN AMININ, TIYAK NA NAGSISISI ANG LAKAS-CMD SA PAGSUPORTA KAY SARA KAYA NAGING VP ITO—Hindi man aminin, tiyak na nagsisisi ang mga opisyal at miyembro ng Lakas-CMD sa paghimok nila kay Sara na sumapi sa kanilang partido, at sa pagsuporta nila sa kandidatura nito sa pagka-bise presidente.
Sa totoo lang, malaki ang naitulong nila para maipanalo si Sara, tapos nang manalo at maging bise presidente ng bansa, eh, bigla silang iniwan nang mag-resign ito sa Lakas-CMD.
Ang nais nating ipunto rito, naisahan ni Sara ang mga lehitimong taga-Lakas-CMD, period!
◘◘◘
PANG-UUNGGOY LANG ANG UNITEAM DAHIL ANG GRUPONG ITO AY WASAK NA!—Bago mag-resign si Sara sa Lakas-CMD, tinanggal ng grupo ni Speaker Martin Romualdez si Pampanga Representative, ex-Pres. Gloria Arroyo sa posisyong senior deputy speaker ng Kongreso.
Ang mga pangyayaring ‘yan ay pagpapatunay na pang-uunggoy lang sa mga botante ang bukambibig nila noong panahon ng kampanya para sa 2022 National Election kesyo sila raw ay nagkakaisa sa hangarin na paglingkuran ang mamamayan,tapos ibinabandera pa nila ngayon sa mamamayan na ang binuo nilang UniTeam ay wasak na, boom!
◘◘◘
KUNG HINDI PA NAGKA-CIVIL WAR SA SUDAN, ‘DI PA MALALAMAN NG PUBLIKO NA MAY MGA OFW NA NAGTATRABAHO SA POOR AT MAGULONG BANSANG ITO—Kung hindi pa nagka-civil war sa Sudan, hindi pa malalaman ng mga Pinoy at mundo na may mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtatrabaho bilang mga kasambahay at laborer sa mahirap at magulong bansang ito.
Pagpapatunay ‘yan na fake news ang ipino-post sa social media ng mga loyalists at Duterte Diehard Supporters (DDS) vloggers na gumanda ang ekonomiya ng Pilipinas sa panahon ng Duterte at Marcos administration. Kung totoong umasenso ang ‘Pinas, wala sanang OFWs na kapit sa patalim at nagtatrabaho bilang mga kasambahay at laborer sa Sudan, period!





Comments