Unified curfew, solusyon ng LGUs pero pahirap sa ordinaryong manggagawa
- BULGAR

- Mar 15, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | March 15, 2021
Ngayong araw magsisimulang ipatupad ang pagpapalawig ng dalawang linggong unified curfew sa Metro Manila mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling-araw.
Tanging essential workers lamang ang papayagang lumabas, kabilang ang mga nasa graveyard shift, delivery services at iba pang maituturing na frontliners.
Bagama’t ito ang nakikitang hakbang ng mga lokal na pamahalaan upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa, iba’t iba naman ang opinyon ng publiko, lalo na ang mga negosyante.
Ang iba, pabor dahil bawas-istambay sa mga kalsada sa dis-oras ng gabi, ngunit ngayon pa lang, umaaray na ang maliliit na negosyante, gayundin ang mga tsuper dahil maaapektuhan umano ang kanilang kita.
Sa halip tuloy na ikonsidera nila itong pag-iingat kontra sa virus, problema ang kanilang nakikita.
Para sa restobar owners, unti-unting bumabangon ang kanilang negosyong nagbubukas tuwing gabi, pero kung mawawalan sila ng kostumer dahil sa curfew, paano na?
Ganito rin ang katanungan ng mga taxi at tricycle driver. Lumiit na nga ang kita dahil sa pandemya, baka ‘pag nagsimula pa ang curfew, wala silang maiuuwi sa kani-kanilang pamilya.
Nauunawaan nating nais mapigilan ang patuloy na pagtaas ng COVID cases, pero kung may mga taong maaapektuhan, lalo na ang maliliit na negosyo at ‘yung umaasa lang sa dami ng tao ang kinikita, ano na lang ang mangyayari?
Sa totoo lang, nakalulungkot dahil parang bumabalik tayo sa umpisa.
Tipong, unti-unting nabawasan ang kinikita ng mga manggagawa hanggang sa tuluyan nang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya.
Gayunman, hangad natin na sa pagkakataong ito, ibang resulta naman ang ating makukuha.
Nawa’y talagang makatulong ang dalawang linggong unified curfew sa ating sitwasyon at unti-unti nating malampasan ang hamon na ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments