Unang korona, nadale ng Filipinas Booters sa AFF Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 19, 2022

Reyna ng Timog Silangang Asya na ang itawag sa Philippine Women’s Football National Team! Naitala ng Filipinas ang kanilang makasaysayang pinakaunang korona, ang 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Women’s Championship matapos gibain ang Thailand, 3-0, sa harap ng 8,257 tagahanga noong Linggo ng gabi sa Rizal Memorial Coliseum.
Maaga pa lang ay sinigurado ng mga Pinay na sila ang magdidikta ng takbo ng laro at naka-goal agad si Jessika Cowart sa ika-8 minuto – ang kanyang unang goal para sa Filipinas– mula sa eksaktong corner kick ni kapitana Tahnai Annis. Sinundan ng isa pang pandiin na goal ni Katrina Guillou sa ika-21 minuto para sa 2-0 ang iskor sa halftime.
Biglang naghigpit ang depensa ng dalawang panig at maagang agresibo ang mga Thai sa second half at binomba ang goal. Sa Filipinas ay naging matatag si goalkeeper Olivia McDaniel na may halong suwerte rin at lumihis o lumampas ang mga sipa ng mga bisita.
Si Sarina Bolden ang naghatid ng panuldok na goal sa ika-89 minuto upang maging unofficial na nagwagi ng Golden Boot. Dahil dito, umakyat sa 8 ang goal ni Bolden at kumalas sa tabla nila ni kapitana ng Vietnam Huynh Nhu sa 7 goal.
Ayon kay Coach Alen Stajcic, isang maliit na burol lang ang kanilang inakyat sa AFF at may mas mataas na bundok na haharapin nila sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand.
Hindi magpapahinga ang koponan at magiging tuloy-tuloy ang paghahanda, kasama ang inilalatag na kampo sa U.S. sa Oktubre. Dagdag ni team manager Jefferson Cheng na nagpadala na ng imbitasyon sa mga bansang maaaring maglaro ng FIFA Friendly sa mga susunod na buwan na ang ilan ay maaaring ganapin sa Pilipinas.
Sa laban para sa 3rd place, nanaig ang Myanmar sa dating kampeon Vietnam, 4-3.
Lamang ang Vietnam, 3-2, at nagtala ng dalawang goal ang Burmese sa ika-83 at ika-86 minuto para maagaw ang karangalan. Wala pang linaw kung anong bansa ang host ng 2023 AFF Women’s Champion.





Comments