- BULGAR
Unang kaso ng ASF, naitala sa Iloilo City
ni Lolet Abania | November 24, 2022

Nagpatupad ang lokal na gobyerno ng Iloilo City ngayong Huwebes ng quarantine measures matapos na ma-detect ang unang kaso ng African swine fever (ASF) sa lugar.
Sa isang statement na nai-post sa Facebook, sinabi ng Iloilo City public information office (PIO) na batay sa report ng Department of Agriculture (DA) kay Mayor Jerry P. Treñas, mula sa 17 samples na tinest, isa rito ang nagpositibo sa ASF.
“We will have to depopulate all hogs within the 500-meter radius. The animals will be buried properly. Any dead pig should be reported right away, and should not be thrown in our waterways,” pahayag ni Treñas said.
Nagpatupad naman ng quarantine measures sa loob ng 500-meter radius ang local government unit (LGU) sa naitalang kaso ng ASF sa Zone 5 Barangay Tacas sa Jaro district.
Ayon kay Treñas, nakikipag-ugnayan na ang ASF Task Force ng lungsod sa mga barangay officials upang matiyak na nasusunod ang mga protocols.
Inaayos na rin ng LGU, ang posibleng pagbibigay ng financial assistance sa mga apektadong hog owners sa naturang lugar.
Ayon pa sa city government, regular din ang pagsasagawa ng slaughterhouse disinfection habang ang mga baboy ay agad na kinakatay kapag dumating ito sa lugar.
Gayundin, mahigpit na ipinagbabawal sa mga public markets ang mga baboy na manggagaling sa mga ASF-affected areas.
Matatandaan na noong Oktubre, ang munisipalidad ng Oton sa Iloilo ay idineklarang red zone matapos na ilang mga baboy ang nagpositibo sa test para sa ASF.
Agad ring nag-isyu si Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. ng Executive Order No. 460, na nagbabawal sa paglabas mula sa red zone ng mga buhay na baboy at pork products kabilang dito ang mga frozen at fresh pork products ng 10 araw simula Oktubre 17.