Umaaray na ang mga fish farmer sa matinding pagtaas ng feed conversion ratio
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 31, 2022
Nananawagan ang mga fish producer ng bansa na tugunan ng pamahalaan ang samu't saring isyu na hinaharap ng kanilang sektor.
Pangunahin na rito ang pagpapababa ng gastos na ginugugol ng mga fish farmers sa pagpapalaki ng mga isdang kagaya ng bangus at tilapia. Pumapangit daw kasi ang kalidad ng fish fry, samantalang may problema rin sa supply ng feeds.
Umaaray ang mga fish farmer dahil sa matinding pagtaas ng feed conversion ratio o kung ilang kilo ng feeds ang kailangan para makapagpalaki ng isang kilo ng isda.
Ayon kay David Villaluz, chairman ng Philippine Association of Fish Producers Inc., sa mga Visayas fish farms, tumaas sa 1.8 hanggang 2 kilo ng fish feed ang konsumo ng isang kilo ng bangus, mula sa nakaraang 1.2 hanggang 1.6 kg na FCR.
Dagdag pa ni Villaluz na ang mas mataas na FCR ay nangangahulugan ng dagdag na P10 sa production cost. Kung idaragdag pa ang P4 per kilo na dagdag sa presyo ng feeds, umaabot ng P14 ang dagdag sa production cost.
Halos kalahati rin daw ng fish pond operators ang namomroblema, ayon kay Joseph Anthony Lanzar, presidente ng Malalag Bay Fish Cage Operators and Fisherfolks Association. Nasa 2.4 hanggang 2.6 kg na daw ang FCR, aniya.
☻☻☻
Umaasa tayong diringgin ng pamahalaan ang hinaing ng ating mga fish producers.
Mahalaga sila sa pagsiguro ng abot-kayang pagkain para sa pamilyang Pilipino, at manganganib ang layuning ito kung hindi matutugunan ang mga problemang kinakaharap nila.
Nawa’y sa lalong madaling panahon ay mapag-usapan ang posibilidad ng pagkakaroon ng Brood Stock Project na iginigiit ng mga fish producers ay magpapababa sa gastos ng fish farming sa bansa.
Malaki raw ang maitutulong ng central fish hatchery para masiguro na maganda ang kalidad ng mga fish fry na maibibigay sa mga producer.
Kailangan din ng matinding diskusyon sa kung paano mabibigyan ng mainam at murang feeds ang ating mga fish farmers.
Umaasa tayo ng agarang aksyon tungkol sa isyung ito.
☻☻☻
Banta sa kaligtasan at buhay ang dengue, lalo na sa mga bata, kaya’t umaasa tayong magtutulungan ang pamahalaan at pamayanan upang makontra ang pagkalat nito.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments