Ulat ng BSP na 8.3% ang inflation rate sa ‘Pinas, fake news!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | Pebrero 8, 2023
ANUNSYO NG BSP NA 8.3% INFLATION RATE, FAKE NEWS KASI ANG TOTOO, 8.7% NA ANG INFLATION RATE SA ‘PINAS—Fake news pala ang unang inanunsyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na mula sa inflation rate na 8.1% last Dec. 2022, ay naging 8.3% last January 2023.
Nasabi nating fake news ang anunsyo ng BSP dahil sa data na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), hindi pala 8.3 % kundi 8.7% na ang itinaas ng presyo ng mga bilihin at bayarin sa Pilipinas. Saklap!
◘◘◘
DAPAT TIGILAN NA NG MGA LOYALISTS AT DDS VLOGGERS NA GAWING MANGMANG ANG KANILANG MGA FOLLOWERS SA ISYUNG INFLATION RATE—Depensa ng mga loyalists at DDS (Duterte Diehard Supporters) vloggers, lahat naman daw ng bansa ay tumataas ang presyo ng mga bilihin at bayarin dahil sa epekto ng pandemya at giyera ng Russia at Ukraine, kaya sumirit sa 8.7% ang inflation rate sa ‘Pinas.
Sa totoo lang, kahit may pandemya at Russia-Ukraine war, hindi naman umabot sa 8.7% ang inflation rate noong Enero 2023 sa ibang bansa, tulad ng United States na may 3.5%; China, 2.4%; at maging sa Southeast Asia ay mababa rin, Indonesia, 3.1%; Vietnam, 3.9%; Thailand, 4.2, at marami pang bansa na mababa ang inflation rate.
Tapos na eleksyon, kaya sana ay tigilan na ng mga loyalists at DDS vloggers pagpo-post ng mga fake news para gawing mangmang ang kanilang mga followers, period!
◘◘◘
RET. GEN. GALVEZ PANG-DOH PALA, HINDI PANG DND—Kinontra ng mga kasapi ng Philippine Psychiatrist Association ang sinabi ni Defense Sec. Carlito Galvez na makakatulong raw sa mental health ng mga estudyante ang ROTC (Reserve Officers’ Training Corps) dahil ayon sa mga doktor, wala pa raw pag-aaral na makabubuti sa mental health ang ROTC.
Kung ganyan paniniwala ni Galvez, aba, dapat pala sa Department of Health (DOH) siya itinalaga ni President Bongbong Marcos (P-BBM) at hindi sa Department of National Defense (DND) dahil may alam pala siya na hindi alam ng mga doktor. Boom!
◘◘◘
SINO ANG PROTEKTOR NG MGA ILEGALISTA SA BAGUIO CITY?—Patuloy pa rin ang raket ng mga ilegalistang sina ‘Patrick’ na may illegal na mini-casino sa Legarda Road at Bokawkan Road; at raket na drop balls at color games nina ‘Edna’ at ‘Jimmy’ sa Magsaysay Road at ‘Nestor’ sa Kayang Hill Top, pawang sa Baguio City.
Marahil, kaya hindi nire-raid mga illegal gambling na ito at hindi hinuhuli mga manraraket na ito, ay may nagbibigay-proteksyon. Syempre kapag may proteksyon, ang kapalit n’yan ay ‘payola’, kaya ang tanong, sino ang protektor ng mga ilegalistang ito sa Baguio City?





Comments