UCBL, magbabalik-aksiyon: CEU, Olivarez, UB AT PCU
- BULGAR
- Jul 17, 2022
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 17, 2022

Isama na rin ang Universities and Colleges Basketball League (UCBL) sa mga ligang magbabalik aksyon sa pagbubukas ng kanilang PG Flex Linoleum UCBL Invitational 2022 ngayong araw sa SGS Stadium sa Quezon City. Haharapin ng Centro Escolar University, Olivarez College, University of Batangas at Philippine Christian University-Dasmarinas ang hamon ng walong bisitang koponan buhat sa NCAA at UAAP.
Hahatiin ang isang dosenang paaralan sa dalawang grupo na tig-anim na kalahok. Maglalaro sila ng single round o tig-limang beses at ang apat na may pinakamataas na kartada sa bawat grupo ay tutuloy sa knockout playoffs.
Nabunot ang Olivarez at PCU-D sa Grupo A kasama ang UAAP champion University of the Philippines, Far Eastern University, Jose Rizal University at Emilio Aguinaldo College. Nasa Grupo B ang CEU at UB kasama ang National University, Adamson, Lyceum at Perpetual Help System Dalta.
Magsisilbing pambungad na laban ang unang kampeon ng UCBL noong 2016 na CEU Scorpions kontra Perpetual Altas sa 11 a.m. Susundan ng tapatan ng JRU at Olivarez Sea Lions sa 1 p.m. at wawakasan ng Lyceum at UB Brahmans sa 2:30 p.m.
Lahat ng mga laro ay gaganapin sa SGS tuwing Martes, Biyernes at Linggo. Ang championship ay nakatakda para sa Agosto 14. Naghahanda na rin ang UCBL para sa regular na torneo ngayong Oktubre. Ang Diliman College Blue Dragons ang huling nagkampeon sa liga noong Nobyembre, 2019 – ang ikalawang sunod para sa paaralan matapos manaig din noong 2018.
Inaasahan na lalahok din sa Oktubre ang iba pang mga kasapi ng UCBL na Lyceum-Batangas, Technological Institute of the Philippines at National College of Business and Arts. Bukas pa rin ang pinto ng UCBL para sa mga paaralan na interesado maging bahagi ng kanilang liga.








Comments