top of page

U.S.A. Team naka-5 panalo na, Germany ginapi sa Showcase

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 24, 2024
  • 1 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 24, 2024



Sports News

Laro ngayong Sabado – Decathlon Arena

5 PM Australia vs. Espanya

7:30 PM Alemanya vs. Japan

11:15 PM Pransiya vs. Brazil

3 AM Gresya vs. Canada (Linggo) 


Isinalba muli ni LeBron James ang Team USA laban sa 2023 FIBA World Cup kampeon Alemanya, 92-86, sa pagtatapos ng USA Basketball Showcase Martes sa O2 Arena ng London. Winalis ng mga Amerikano ang lima nilang laro papasok sa Paris 2024 Olympics na magbubukas ngayong Biyernes. 


Bumira ng 3-points at isa pang buslo si LBJ upang lumayo ang mga Amerikano, 92-84, at 45 segundo ang nalalabi. Mula roon ay hinigpitan ang depensa at naka-shoot na lang ang mga Aleman bago tumunog ang huling busina. Nagtapos si LBJ na may 20 puntos at tumulong sina Joel Embiid na may 15 at Stephen Curry na may 13. Nag-ambag ng 11 si Anthony Edwards at tig-10 sina Jrue Holiday at Anthony Davis.


Nanguna sa Alemanya sina Franz Wagner na may 22 at Daniel Theis na may 20. Haharapin ng mga Aleman ang Japan, Brazil at host Pransiya sa Grupo B ng Olympics. Sunod-sunod na tinalo ng Team USA ang Canada (86-72), Australia (98-92), Serbia (105-79) at Timog Sudan (101-100) bilang bahagi ng paghahanda sa pagtatanggol nila sa gintong medalya. Nabunot ang mga Amerikano sa Grupo C kasama ang Puerto Rico at maghaharap muli sa Serbia at Timog Sudan habang nasa Grupo A ang Canada, Australia, Gresya at Espanya. 


Bago ang laro, iginawad kay LBJ ang karangalan na magdala ng watawat ng U.S. sa pambungad na seremonya, ang una ay galing sa Men’s Basketball. Malalaman pa kung sino ang atletang babae na makakasama niya. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page