ni Julie Bonifacio @Winner | February 14, 2024
Pabirong seryoso na sinagot ni Pokwang ang tanong kung nakaalis na ng bansa ang ex-live-in partner niyang si Lee O'Brian sa premiere night ng latest film niya titled Slayzone sa direksiyon ni Louie Ignacio under Wide International Film Production.
Nagliligpit na raw ng mga gamit si Lee paalis ng bansa. Mukhang maraming dadalhin, hindi lang mga gamit kundi memories pabalik sa America.
Unlike before, cool and chillax na si Pokie kapag tinatanong about her ex at ama ng kanyang bunsong anak na si Malia.
Kaya naman sa special screening and mediacon ng Slayzone ay panay good vibes lang ang datingan ni Pokwang.
Isang thriller-drama-action movie kasi ang Slayzone na taliwas sa comedy films na una niyang ginawa at madalas gawin sa ilang taon kung saan mas nauna rin siyang nakilala bilang komedyana.
Bagama’t paminsan-minsan ay gumagawa siya ng mga drama movie gaya ng A Mother’s Story, Oda sa Wala, Mercury is Mine at Edsa Woolworth.
Esplika ni Pokwang, “Uh, tinanggap naman po nila ako hindi bilang isang comedienne. Kaya lang kasi, eto pong Slayzone, hindi ako nanay. Isa akong tiyahin na nagpapaka-nanay.
“Isa po akong pulis na pangarap kong gampanan na maibigay po sa akin ni Direk Louie at ng Wide International.
“So, sobrang natutuwa po ako kasi tanggap ng tao kung ano ‘yung kumbaga, out of the box as Pokwang. Kaya nagpapasalamat ako na nabibigyan ako ng mga ganitong klaseng istorya at ganitong klaseng pelikula.”
Feeling Lucy Liu si Pokwang sa kanyang role sa Slayzone na ipapalabas ngayong Miyerkules, Valentine’s Day, sa mga sinehan.
Kilig na sabi ni Pokwang, “Ang sarap! Ang sarap palang gumawa ng ganito. Hindi naman lingid sa inyo na dancer din talaga ako. Kaya kapag gumagawa ako ng mga fight scenes, parang ano ‘yan, eh, para ka ring gumagawa ng dance steps. So, nae-enjoy ko rin naman.
“In fact, sinabi ko kay Direk Louie ‘yung isang eksena, ‘yung may rape scene, sabi ko, ‘Direk, ako na lang ang gagawa nitong fight scene. Kasi anong oras na. Para mabilis tayo.’ Maganda naman po ang kinalabasan kasi ang galing po ng aming direktor.”
Ang iba pang cast members ng Slayzone ay sina Maui Taylor, Abed Green, Rico Barrera, Lou Veloso, Paolo Rivero, Queenay Mercado, Richard Armstrong, at may special participation si Kim Atienza, sa ilalim ng direksiyon ni Louie Ignacio.
Umapir at nagbigay-suporta ang Kapuso actor na si Ken Chan sa red carpet premiere night ng Slayzone sa SM The Block.
Isa kasi si Ken sa mga nagmamay-ari ng Wide International Film Productions nina Pauline Publico at April Martin.
Comments