Turista, inaasahang dadami ngayong Semana Santa
- BULGAR
- Apr 1, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | April 01, 2023
Ngayong papalapit ang Semana Santa at summer season, maraming local at international travelers ang nagpaplanong umuwi at bumisita ng mga probinsya upang makapag-relax at masaksihan ang mga naggagandahang beaches, at tourist destination sa bansa.
Nitong nakaraan, binuksan sa Silang, Cavite ang unang International Ecotourism Travel Mart.
Inilarawan ni dating Tourism Secretary Mina Gabor, na nag-organisa ng kaganapan, na ito ang unang green travel mart sa mundo. Ito ay nakatuon, hindi lamang sa turismo kundi pati na rin ang pag-aalaga sa kalikasan.
Dinaluhan at nakiisa sa pagbubukas ng kaganapan nito sa compound ng International School of Sustainable Tourism ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang bansa, kasama sina Tourism Secretary Christina Frasco at Transportation Secretary Jaime Bautista.
Ang Travel Mart ay nagtatampok ng mga booth na nag-aalok ng mga ecotourism package. Magandang bagay kung nais mong makatipid dahil may mga discounts na maaaring makuha mula rito.
Samantala, hinikayat naman ni Sec. Frasco ang mga Pilipino na mag-travel ngayong summer at piliin ang magagandang lugar at ecotourism sites sa bansa.
"The end all and be all of tourism, after all, should be that we respect the gifts that God has given us and at the same time harness these gifts for economic opportunities livelihood sa ating mga kababayang Pilipino," ani Sec. Frasco sa isang interview.
Sa kabilang banda, handa na ang Department of Tourism (DOT) sa inaasahang pagdagsa ng mga bibisitang turista. Gayundin ang DOTr na nakipagpulong na sa iba’t ibang ahensya at transport companies upang magkaroon ng mas maayos na pagbiyahe sa Holy Week.
Para sa mga nagpaplanong lumuwas ng probinsya at maglalakbay ngayong Semana Santa, siguraduhing handa, maayos at kumpleto ang mga requirements o kainakailangan para maiwasan ang anumang uri ng problema sa pag-alis.
Siguraduhin din na umalis nang maaga dahil inaasahan ang pagdagsa ng mga tao na maaaring magresulta ng mabigat na trapik.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments