Tuluy-tuloy na tulong sa mga palaboy, ‘wag paasahin
ni Ryan Sison @Boses | July 2, 2023
Naglunsad ng bagong programa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tinawag na ‘Oplan Pag-Abot', na naglalayong tulungan ang mga palaboy sa Metro Manila.
Ang paglulunsad ay gagawin sa pamamagitan ng simulation activity ng reach-out operation ng proyekto sa DSWD Central Office sa Batasan, Quezon City.
Gayunman, ipapakita umano ng DSWD ang step-by-step reach-out process, partikular ang initial interview o counseling na kinabibilangan ng biometrics administration, photo capturing, issuance ng identification cards at assessment ng mga kliyente.
Sa ilalim ng proyekto, ang mga kliyente ay bibigyan ng iba’t ibang interventions, depende sa kanilang assessed needs, tulad ng tulong medikal, suporta sa pagkain, transportasyon at relokasyon, mga livelihood opportunities, transitory family support packages, emergency financial assistance at transitory shelter assistance.
Samantala, isasagawa ang simulation activity bilang paghahanda sa ganap na pagpapatupad ng Oplan Pag-Abot sa Metro Manila, na ang target ay ang mga inabandona, napabayaan at naulila sa mga batang wala pang 18-anyos, mga matatandang palaboy, mga may problema sa pag-iisip, at mga pamilyang nasa kalye na nawalan ng tirahan dahil sa sunog, demolisyon o family crisis.
Ang mga reach-out operation ay isasagawa sa iba’t ibang lungsod sa National Capital Region (NCR) sa 24-hour shifting basis ng isang team na binubuo ng mga social worker.
Magandang programa ito dahil napakaraming palaboy ang matutulungan at maaaring makapag-bagong buhay sa tulong ng ‘Oplan Pag-Abot'.
Maaari rin silang ilagay sa isang lugar kung saan ay mabibigyan sila ng trabaho o pangkabuhayan na tutugon sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa programang ito, siguruhin lang na walang pang-aabusong mangyari.
Sa mga palaboy na tutulungan, tanggapin sana nila nang maayos ang programang inilaan para sa kanila at ‘wag umabuso.
Panawagan naman sa DSWD, ang mga palaboy na magpapasaway at hindi susunod sa mga alituntunin ng programa ay dapat nilang tanggalin dahil pinapatunayan lang nila na hindi sila karapat-dapat na tulungan.
Magtuluy-tuloy sana ang mga ganitong programa upang wala ng pamilya o indibidwal ang mamumuhay sa lansangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments