Tulung-tulong para sa mabilis na pagbangon
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 2, 2022
Kabilang ang aking mga kababayan sa Cavite at ako bilang halal na opisyal at isang tunay na Cavitenyo ay taus-pusong nagpapasalamat sa ating Pangulo na si Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. dahil sa maagap niyang pagsaklolo sa aming lalawigan.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na ang lalawigan ng Cavite ay isa sa mga grabeng nasalanta ng Bagyong Paeng, tulad din ng mga nangyari sa maraming lalawigan pa sa buong bansa dahil sa labis na buhos ng ulan at pagbayo ng hangin na nagdulot ng mga pagbaha, pagguho ng lupa at pagkawasak ng mga kabuhayan.
Ganito rin kagrabe ang sinapit ng bayan ng Noveleta sa Cavite na habang naghahanda ang mga tao sa mga baybaying dagat ay hindi nila napigil ang pagtaas ng tubig na ikinasira ng kanilang dike sa Bgy. San Juan 2 na nagdulot ng grabeng pagbaha.
Bagama’t kalunus-lunos ang sinapit ng aking mga kababayan ay nakakataba naman ng puso na nitong nagdaang Oktubre 31 ay personal naming nakasama sa pamamahagi ng tulong si P-BBM kasama ang ilang national at local officials.
Personal na tinungo ni P-BBM ang mga evacuation center sa Bgy. San Jose II at nakipagtalastasan sa mga lokal na opisyal upang matiyak kung ano pa ang mga pangunahing pangangailangan para mas mapabilis ang pagbangon ng mga apektadong lugar.
Kasama kong sumalubong kay P-BBM si First District Representative ng Cavite na si Jolo Revilla, ang aking maybahay na si Congresswoman Lani Mercado-Revilla, si Board Member Ram Revilla at mga lokal na opisyal ng lalawigan ng Cavite.
Nasaksihan ni P-BBM na humigit-kumulang ay nasa 18,000 pamilya ang nagsilikas sa kani-kanilang tahanan at ang iba ay nanatili sa mga evacuation center habang humahagupit ang Bagyong Paeng kaya agad namahagi ng nasa P50 milyong halaga ng relief goods sa mga nasalanta.
Matapos ang isinagawa naming pamamahagi ng tulong ay nagsagawa naman ng press briefing at dito ay sinabi ni P-BBM na tutulungan ang lalawigan na muling makabangon sa sitwasyon at bibigyan umano ng mga materyales ang mga nawalan ng tahanan upang muli silang makapagtayo.
Maganda rin na personal na nakita ni P-BBM ang mga mawasak na imprastruktura sa buong lalawigan—tulad ng flood control dikes dahil kailangan nito ng long-term solution bago matugunan ang mga ganitong uri ng sitwasyon na dulot ng natural na kalamidad.
Nakatutuwa rin ang ibinahagi ni P-BBM hinggil sa posibilidad na makipag-ugnayan sa Japan International Cooperation Agency (JICA) upang maisagawa ang flood control project—lalo na ang pagpapalawak ng mga ilog upang maiwasan na umano ang pag-apaw ng tubig.
Habang isinusulat ko ang artikulong ito ay umabot na sa 101 ang napaulat na nasawi habang nasa 66 nawawala at posibleng magbago pa ang mga datos sa paglipas ng mga araw dahil sa marami pa ring lugar ang hanggang ngayon ay lubog pa rin sa tubig baha.
Ngunit ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa kabuuang bilang ng napaulat na nasawi ay 73 pa lamang ang kumpirmado habang ang 28 ay isinasailalim pa umano sa validation.
Iniulat pa ng NDRRMC na mula sa kabuuang bilang ng mga nasawi, 53 ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), tatlo mula sa Western Visayas at dalawa mula sa Soccsksargen.
Ganyan katindi ang sinapit ng buong bansa, kaya nga paulit-ulit kong sinasabi na huwag tayong panghihinaan ng loob—lalo na ‘yung mga grabeng nasalanta dahil hindi ibibigay ng Panginoon ang ganitong uri ng pagsubok kung hindi natin kaya.
Ang inyong lingkod ay hindi magsasawa sa paghahatid ng tulong— masyadong malawak ang pinsala sa bansa at hindi naman natin ito kakayanin ng sabay-sabay kaya nga pati ang Pangulo ng bansa ay kumikilos na, pero hinding-hindi tayo titigil sa pagtulong.
Kahit Undas, lumusong tayo kahapon sa mga lugar na baha pa para tuluy-tuloy na makapaghatid ng tulong. Sinadya natin ang Bgy. Aniban 2, Bgy. Aniban 3, Bgy. Aniban 4, Bgy. Aniban 5, Bgy. Ligas 2, Bgy. Ligas 3 at Bgy. San Nicolas 1 sa Bacoor, Cavite.
Libu-libong Family Food Packs at relief packs ang ating naipamahagi para maitawid ng mga apektadong pamilya ang kanilang sitwasyon habang inihahanda natin kung paano sila matutulungan sa mga nasira nilang bahay upang makabalik na sila sa kanilang pamumuhay.
Noong Sabado, hindi pa halos tuluyang lumalabas ng bansa ang nananalasang Bagyong Paeng ay agad na kaming namahagi ng tulong sa Kawit, Noveleta, Tanza at Bgy. Panapaan 3 at 4 na lahat ay pawang sa lalawigan ng Cavite.
Basang-basa ako ng ulan at ang aking mga kasama, ngunit hindi namin naramdaman ang lamig ng panahon dahil sa mas matindi pa rin ang dinaranas na sakripisyo ng mga kababayan nating nasalanta ng bagyo na iba ay nagkakasakit na.
Sana lang ay ipanalangin ninyo na huwag kaming magkasakit dahil palagi kaming basa at hindi kami mahawa sa leptospirosis dahil sa madalas naming paglusong sa baha para mas marami pa kaming matulungang biktima ng bagyo.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments