Tuloy ang laban sa Dengvaxia!

@Editorial | November 25, 2020
Kahapon, kahun-kahong complaint affidavits ang inilabas ng mga abogado ng Public Attorney’s Office (PAO) sa pangunguna ni Atty. Persida Acosta.
Ito ay upang ihain ng may 158 pamilya sa Quezon City Prosecutors Office ang kasong “reckless imprudence resulting to multiple homicide” laban sa 38 respondents, kabilang sina dating health secretary na ngayo’y Congresswoman Janet Garin at si DOH Sec. Francisco Duque III, kaugnay sa kontrobersiyal na Dengvaxia o bakuna kontra dengue.
Matindi pa rin ang panawagan ng pamilya ng mga batang sinasabing namatay sa bakuna para sa hustisya.
Apela nila, hindi dapat basta na lang nakalalaya ang mga taong sangkot partikular ang mga opisyal ng gobyerno na nagpabaya sa kanilang tungkulin, na ang resulta ay pagkamatay ng mga paslit na walang kalaban-laban.
Hanggang ngayon, napakaraming tanong na anila’y hindi pa rin nasasagot at ang pinakamatindi sa mga ito, bakit pumayag ang gobyerno na gawing “guinea pig” ang mga mag-aaral? Bakit pinag-eksperimentuhan ang buhay ng mga bata?
Sana sa natitirang dalawang taon ng administrasyong ito, sana’y mabigyan na ng linaw ang lahat. Kung may pagkakamali at pagkukulang, dapat ay may managot. Batid nating hindi na maibabalik ang buhay ng mga bata at hindi na kailanman matatapos ang pagluluksa ng mga magulang at kapatid pero, huwag naman sanang ipagkait ang isang bagay — hustisya.



Comments