top of page
Search
  • BULGAR

Tulong sa mga binaha, ‘wag nang paabutin ng Pasko

@Editorial | November 28, 2023


Habang marami na ang abala sa paghahanda para sa nalalapit na Pasko at Bagong Taon, may mga kababayan naman tayo ngayon na sinisikap maitawid ang bawat araw matapos maapektuhan ng ulan at baha dulot ng shear line at low pressure area (LPA).


Ang shear line ay kadalasang resulta ng pagsasalubong ng malamig na amihan at mainit na easterlies na nagdudulot ng mga pag-ulan.

Batay sa report, nasa mahigit isang milyong indibidwal ang apektado ng shear line at LPA at may 2 namang naiulat na nasawi sa Eastern Visayas.

Nasa kabuuang 1,003,271 katao na mula sa 1,452 barangay sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Caraga ang nasalanta.

Sa nasabing bilang, 48,411 katao o 17,671 pamilya ang nananatili sa 156 evacuation centers, habang nasa 32,699 katao o 9,357 pamilya ang pansamantalang naninirahan sa labas ng evacuation centers o sa kanilang mga kamag-anak.

Bunsod pa rin ng shear line at LPA, 270 kabahayan ang nasira kung saan 225 rito ang partially damaged habang 45 ang totally damaged.

Batay naman sa assessment, nasa P119,897,021 ang naitalang pinsala sa agrikultura.

Isinailalim naman sa state of calamity ang Northern Samar kasunod ng malawakang pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan at nasa mahigit 24,000 pamilya ang inilikas.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH)-Eastern Visayas, umakyat na sa P469 milyon ang halaga ng pinagsamang pinsala ng shear line at LPA sa sektor ng imprastraktura sa Northern Samar, Eastern Samar at Samar.

Umaasa tayo na mas mamadaliin ng gobyerno ang paghahatid ng tulong sa mga nasalanta.


Huwag namang abutin pa sila ng Pasko o Bagong Taon sa evacuation center. Kung may sapat namang pondo para sa pagpapagawa ng kanilang bahay, ibigay na at huwag nang pahirapan ang mga biktima. Kawawa ang mga sanggol, matatanda at PWD na malalantad sa sakit.

Gayundin, ang panawagan sa mga medyo nakakaluwag-luwag sa buhay, tulad ng lagi nating naririnig at napapatunayan, ang tunay na diwa ng Pasko ay pagbibigayan.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page