Tulong at suporta sa mga apektado ng El Niño, gawin na
ni Ryan Sison @Boses | Marso 12, 2024
Dahil nahaharap na ngayon sa matindi at matagal na tagtuyot sanhi ng El Niño phenomenon, nagpatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa dalawang bayan sa Oriental Mindoro.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), sakop ng price freeze ang mga munisipalidad ng Bulalacao at Mansalay, na nauna nang idineklara na isailalim sa state of calamity dahil sa tagtuyot.
Ang automatic price freeze ay naging epektibo noong February 26 sa Bulalacao, habang March 7 naman sa Mansalay. Ito ay magkakaroon ng bisa sa loob ng 60 araw, kung saan sumasaklaw sa mga pangunahing pangangailangan o basic necessities gaya ng canned fish, processed milk, kape, laundry detergents, sabon, tinapay, at bottled water, at iba pa.
Binigyang-diin naman ng kagawaran na maaaring makulong ng hanggang 10 taon o multa mula P5,000 hanggang P1 milyon ang mga lalabag sa naturang kautusan.
Batay sa pahayag ng DTI, bukod pa sa legal consequences, ang mga provincial monitoring at enforcement team ng DTI ay paiigtingin ang kanilang mga pagsisikap na subaybayan ang presyuhan o pricing at availability ng mga essential goods sa loob ng hurisdiksyon ng kagawaran.
Dagdag pa ng ahensya, ang panukalang ito ay ginawa upang matiyak na ang mga negosyo at establisimyento ay sumusunod sa ipinataw na price freeze.
Kaugnay nito, ipinahayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na sa kanilang pagtantiya, ang El Niño ay nagdulot ng P1.056 bilyong halaga ng total production loss at halaga ng pinsala sa agrikultura.
Magugunitang naiulat na rin ng PAG-ASA na ang peak ng El Niño, kung saan nagsimula noong July 4, 2023, ay maaaring magdulot ng tagtuyot sa mahigit 40 probinsiya sa buwan ng March o April.
Mabuti ang naging desisyon ng kinauukulan na magpatupad ng price freeze sa mga lugar na matinding apektado ng tagtuyot sanhi ng El Niño.
Higit na hirap kasi ang kanilang agrikultura dahil sa malaking problema nila sa mga pananim gayundin sa kanilang palaisdaan, kaya siguradong hindi sasapat ang suplay ng kanilang mga pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan. Gayundin, posibleng suliranin nila ang kakulangan ng mga pagkakakitaan at hanapbuhay, habang ang iba naman sa kanila ay tinatamaan na rin ng sakit dala ng El Niño.
Hiling natin, na bukod sana rito ay magkaroon ng dagdag na tulong at suporta at gawin ito agad, habang magkasundo ang magkakaugnay na ahensya ng gobyerno sa pag-monitor sa kalagayan ng mga kababayan sa mga lugar na labis na naapektuhan ng nasabing phenomenon.
Isipin sana ng kinauukulan na patuloy na umaasa ang mga mamamayan sa gagawin nilang pagkilos at aksyon sa naturang problema.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments