Tugboat na may kargang 15K litro ng diesel, lumubog
- BULGAR

- 17 hours ago
- 1 min read
by Jeff Tumbado @News | August 25, 2026

Photo: PCG
Tuluyang lumubog sa karagatan ng Botolan, Zambales ang isang tugboat na may sakay na 10 tripulante habang isinasagawa ang emergency salvage operation nitong Lunes ng umaga, Agosto 24.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), ligtas ang lahat ng 10 katao na sakay ng tugboat at wala namang naiulat na nasugatan.
Agad na nagsitalunan sa dagat ang mga crew nang mapansin nilang tuluyan nang lumulubog ang sasakyang-dagat.
Bago ito tuluyang lumubog, isinadsad muna sa pampang ang tugboat matapos pasukin ng tubig ang butas sa hull nito.
Dahil dito, napuno ng tubig ang engine room at kinailangang ilipat ang sasakyang-dagat sa mas ligtas na lugar sa pamamagitan ng salvage operation.
Alas-7:46 ng umaga nang mangyari ang insidente habang hinihila ang tugboat palayo sa pampang.
Habang isinasagawa ang operasyon, unti-unti itong tumagilid sa kanang bahagi hanggang sa tuluyang lumubog sa tinatayang 24-metrong lalim.
Nabatid na may kargang humigit-kumulang 15,000 litro ng diesel ang tugboat nang mangyari ang insidente.
Bagama't sinasabing buo pa ang fuel tank, mahigpit na mino-monitor ng PCG ang lugar dahil sa posibilidad ng pagtagas ng langis.
Patuloy namang inaalam ng PCG ang eksaktong dahilan ng paglubog ng tugboat.





Comments