ni Ryan Sison @Boses | Marso 16, 2024
Nakakabahala ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng tinamaan ng tuberculosis (TB) sa ating bansa.
Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa, nasa kabuuang 612,534 ang naitalang mga bago at relapse cases naturang sakit noong 2023.
Batay din sa datos ng DOH, noong nakaraang taon ay nakapagtala ang bansa ng 549 kaso ng tuberculosis kada 100,000 populasyon, na maituturing na mas mataas kumpara sa case notification rate na 439 kaso sa bawat 100,000 populasyon noong 2022.
Sinabi ni Herbosa na sa loob ng limang taon, humigit-kumulang 2.1 milyong kaso ng TB ang kanilang natukoy na kaunti sa target nilang 2.5 milyon, habang nitong December 31, 2023, umabot na nga sa higit 612,000 ang kaso.
Sa datos naman mula sa Integrated Tuberculosis Information System, ayon sa DOH chief, aabot sa 10,426 indibidwal ang naiulat na nasawi, subalit nilinaw niya na hindi lahat sa kanila ay namatay nang may direktang kaugnayan sa naturang sakit.
Kinikilala rin ni Herbosa na ang tuberculosis ay hindi lamang isang health issue sa ating bansa, kundi isang socioeconomic problem, kung saan nakakaapekto ito sa mas maraming marginalized populations sa low-resource settings.
Dahil dito aniya, target ng kagawaran na wakasan ang mga kaso ng tuberculosis sa bansa pagsapit ng taong 2030, kasabay ng pagtiyak na makakatanggap ng kaukulang atensyong medikal ang bawat pasyenteng may ganitong uri ng sakit.
Ang tuberculosis, ayon sa World Health Organization (WHO), ay isang nakakahawang sakit na kadalasang nakakaapekto sa baga o lungs at kumakalat sa pamamagitan ng hangin kapag umuubo, bumahing, o dumura ang mga taong may impeksyon nito.
Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng TB ang matagal na ubo, pananakit ng dibdib, pagkapagod o fatigue, lagnat, at pagbaba ng timbang.
Talagang nakakaalarma na marami pala sa ating mga kababayan ang nagkaroon ng tuberculosis habang ang iba na gumaling na ay tinamaan uli ng nasabing sakit.
Karamihan kasi sa atin ay tila binabalewala na ang karamdamang ito, na iniisip na ordinaryong ubo at lagnat o pagod lamang ang nararamdaman. Batid din ng marami na may gamot naman na ibinibigay kontra rito sakaling ma-infect ng TB at siguradong gagaling din.
Pero, kahit na may gamot na panlaban sa ganitong uri ng sakit ay may mga naitatala pa ring namatay dahil dito, kaya dapat huwag magpabaya at iwasan nating tamaan ng TB.
Paalala rin sa ating mga kababayan na kung alam na nating bawal at makakasama para sa atin ay iwasan o huwag na nating gawin at kainin pa. Matuto rin tayong ipahinga ang ating katawan sa lahat ng mga gawain para hindi mapagod nang husto at magkasakit.
Higit sa lahat, huwag nating abusuhin ang sarili sa anumang bisyo at alagaang mabuti ang ating kalusugan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
תגובות