top of page

Truck, sumalpok… Overpass sa Parañaque, bumagsak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 12, 2022
  • 2 min read

ni Lolet Abania | November 12, 2022



Bumagsak ang isang overpass guardrail matapos na mabangga ng isang trailer truck sa kahabaan ng A. Santos sa Sucat, Parañaque ngayong Sabado.


Sa tindi ng impact, humiwalay ang container van mula sa truck, ayon sa mga awtoridad.

Kuwento ng driver ng truck na si Carlos Saplad Jr., mabagal ang kanyang pagpapatakbo at hindi niya inaasahan na ang container van ay sasalpok sa vertical clearance ng overpass.


“Sumabit po ‘yung container van sa overpass eh, ‘di ko po tantsa ‘yung tangkad ng container tsaka ng overpass,” paliwanag ni Saplad.


Ayon sa city government ng Parañaque, isasara na ang overpass para masiguro na ang structure nito ay kanilang masuring mabuti.


“Sa kabilang side napakalaki po ng damage kung makikita po natin. ‘Yung main structure niya ‘yung girder ‘yun po talaga ang naapektuhan,” pahayag ni Engr. Ruby Viñas ng Parañaque LGU.


Matatandaan na noong 1990 ay itinayo ang overpass habang gumastos dito ng tinatayang P10 million. Sinabi rin ni Viñas na plano na ng lungsod na isaayos o i-rebuild ito sa susunod na taon.


“Check po muna namin ‘yung structural stability niya kung okay pa po siya and then kung hindi definitely sir for demolition na po siya kung ‘di naman magiging safe sa lahat po,” saad ni Viñas.


Dinala na ang truck sa impounding area, habang ang driver nito ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property.


“Since government property po ‘yung nasira ito pong footbridge may pananagutan po ‘yung driver tsaka mismo ‘yung may-ari ng container van,” sabi ni Parañaque Traffic Investigator Corporal Arnold Baraquel.


Wala namang nasawi o nasaktan sa insidente, subalit hinihintay pa ng mga awtoridad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para maalis ang container van at ang slab sa lugar.


Sa ngayon, hindi na madaanan ang apektadong bahagi ng A. Santos habang nagpatupad na rin sila ng rerouting.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page