Truck ban, solusyon sa trapik, banta sa taas-presyo ng mga bilihin? Tsk-tsk-tsk!

@Editorial | December 12, 2020
Sa Disyembre 14, nakatakda ang muling pagpapatupad ng total truck ban sa mga national roads, major thoroughfares na hawak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ay bilang solusyon umano sa mabigat na namang daloy ng trapiko, lalo na sa papalapit na kapaskuhan.
Simula alas-6:00 hanggang alas-10:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-10:00 ng gabi, bawal ulit lumabas ang mga trak na iiral mula Lunes hanggang Sabado, at lifted tuwing Linggo at kapag holiday. Habang 24/7 naman sila bawal sa kahabaan ng EDSA.
Una nang umapela ang Metro Manila mayors dahil sa nararanansang trapik maging sa inner roads dahil sumasabay na sa rush hour ang mga trak at naiipon naman ang sasakyan na dumaraan sa inner roads.
Dagdag pa ang unti-unting pagluwag ng community quatantine kung saan, dumarami na ang mga taong naglalabasan.
Bilang tugon, nagbanta ang mga trucker na posibleng tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kinontra naman ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga trucker at iginiit na bago pa man nag-pandemic, may iskedyul na ng truck ban at ibinalik lang. Kasabay ng hirit na mas makakatipid umano ang mga trucker kung gabi o madaling-araw ang labas dahil bawas-trapik at mas mabilis ang biyahe.
At sa usapin sa taas-presyo ng bilihin, tiwala naman tayo sa mga awtoridad na hindi ito basta mangyayari dahil may batas na ipinatutupad kaugnay nito.
Sa huli, sana magkasundo ang mga trucker at ang mga kinatawan ng gobyerno sa usaping ito dahil ang publiko pa rin ang higit na maaapektuhan.



Comments