Trike driver, bata, sapul sa ligaw na bala... Misis angkas sa motor, parak pinagbabaril ni mister
- BULGAR

- 1 day ago
- 1 min read
ni Jeff Tumbado @News | July 15, 2026

Photo: Circulated
Timbog sa police checkpoint nitong Lunes ang isang lalaki na pinaghihinalaang bumaril sa isang pulis sa Cotabato City dahil umano sa matinding selos at hinalang may relasyon ito sa kanyang asawa.
Ayon kay Cotabato City Police Office Director Col. Jibin Bongcayao, kinilala ang suspek sa alyas Jamir, 29, residente ng Kalamansig, Sultan Kudarat.
Inamin umano nito ang pamamaril matapos niyang paghinalaang may relasyon ang kanyang asawa kay alyas Police Cpl. Titing.
Batay sa imbestigasyon, nahuli umano ng suspek ang palitan ng mga text message sa pagitan ng kanyang asawa at ng pulis, na siyang naging ugat ng insidente.
Araw ng Linggo, Hulyo 12, nang barilin ng suspek ang pulis habang nagmamaneho ito ng motorsiklo at angkas ang misis ng suspek sa Jose Lim Street.
Sugatan ang pulis at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital habang nasawi naman ang isang traysikel driver na si alyas Nasser na nadamay sa insidente.
Napag-alaman na isang bata rin ang tinamaan ng ligaw na bala at patuloy na ginagamot.
Samantala, isinailalim na rin sa restrictive custody ang pulis habang isinasagawa ang hiwalay na imbestigasyon kaugnay ng umano'y pakikipagrelasyon nito sa asawa ng suspek.





Comments