Trapo at political dynasty lang ang umunlad, hindi ang mamamayan
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 11, 2022
HIRIT NG PSA NA UMUNLAD ANG PILIPINAS, KALOKOHAN—Pinuputakti ng batikos sa social media ang Philippine Statistics Authority (PSA) tungkol sa ibinida nilang lumago ng 7.6% ang ekonomiya ng Pilipinas.
Mababatikos talaga ang PSA dahil mistulan silang fake new kasi mantakin n'yo, baon sa utang ang Pilipinas; negatibo ang pananaw ng Fitch Rating tungkol sa credit rating ng bansa; lagapak ang Foreign Direct Investment (FDI); mataas ang presyo ng mga bilihin at bayarin, tapos ipangangalandakan ng PSA na umunlad ang ekonomiya ng bansa?
◘◘◘
KAPAG MAUNLAD ANG EKONOMIYA NG BANSA, WALANG NAGHIHIRAP AT NAGUGUTOM NA MAMAMAYAN—Kapag umunlad ang ekonomiya ng bansa, dapat maunlad din ang pamumuhay ng mamamayan, wala sanang nagrereklamo tungkol sa hirap ng buhay o wala sanang nagsasabing sila'y nakararanas ng gutom.
Mantakin n'yo, sa magkasunod na survey na inanunsyo ng SWS, una ay noong October 21, 2022, kung saan 49% ng pamilyang Pilipino ang nakararanas ng hirap sa buhay, at sa sumunod na survey na isinapubliko naman noong November 2, 2022 ay 11.3 pamilyang Pinoy na ang nakararanas ng gutom, tapos 'ika ng PSA ay 7.6% ang iniunlad ng ekonomiya ng bansa.
◘◘◘
'EKONOMIYA' NG MGA TRAPO AT POLITICAL DYNASTY ANG UMUNLAD—Kung meron man umunlad, ito ay ekonomiya ng mga trapo at political dynasty at hindi ekonomiya ng Pilipinas.
Sa laki ng confidential funds at pork barrel ng mga trapo at political dynasty, talaga namang uunlad ang kanilang kayamanan at patuloy na magiging magarbo ang kanilang pamumuhay.
◘◘◘
HINDI DAPAT BENIBEYBI SA CONFIDENTIAL FUNDS ANG MGA TRAPO—Nanawagan si minority leader, Sen. Koko Pimentel sa mga kapwa niya senador, lalo na kay Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance, na huwag aprubahan ang hinihinging confidential funds.
Aniya, mataas ang inflation, kaya may krisis sa pagkain, edukasyon at iba pa, kaya dapat ito ang pagtuunan ng pansin, hindi ang pagbibigay ng confidential funds.
Korek si Sen. Koko, pangunahing problema ng mamamayan ang dapat solusyunan ng mga kapwa niya senador at hindi 'yung binebeybi ang mga trapo.





Comments