top of page

Trapik tuwing may rally, MMDA, nagpasaklolo na sa PNP

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 16, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 16, 2024



Boses by Ryan Sison


Para maging maayos ang daloy ng trapiko sa Metro Manila sa tuwing may mga ikakasang kilos-protesta, balak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na humingi ng tulong sa Philippine National Police (PNP). 


Ayon kay MMDA Acting Chair Romando Artes, layunin nilang hindi na maulit pa, lalo na sa mga pangunahing lansangan, na nagsisiksikan ang mga sasakyan at buhol-buhol ang trapiko, kung saan nangyari ito sa isinagawang rally ng transport group na Manibela kamakailan sa Quezon City.


Giit ni Artes, bagama’t itinatanggi ng grupo na sila ang sanhi ng trapik ay malinaw na sila ang nakikitang dahilan kung bakit bumigat ang daloy nito habang sinabayan pa ito ng malakas na buhos ng ulan.


Pinabulaanan din ng opisyal ang impormasyon na walang traffic enforcer na nagmamando sa lagay ng trapiko nang mga panahong iyon dahil nagdagdag pa aniya sila ng tauhan habang nananatili ang mga ito sa lugar hanggang sa naibalik sa normal ang daloy ng mga sasakyan.


Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa PNP upang matulungan sila at pag-usapan ang kanilang plano.


Tama lamang na ang mga traffic enforcer ay maasistehan ng ating kapulisan sa tuwing magkakaroon ng mga kilos-protesta na isinasagawa ng iba’t ibang grupo.


Marami kasing puwedeng mangyari na hindi natin maiiwasan habang mayroong mga grupong nagra-rally sa mga lansangan at posibleng may masaktan sa kanila o kaya naman ay may madamay na mga motorista.


Kaya mainam na kapag may rally ay magkaroon ng magbabantay na kapulisan sa mga kalsada para pare-pareho, sa panig ng nagkilos-protesta, enforcer at mga sibilyan, na maprotektahan nila ang mga ito. 


Gayundin, kung may nakatalagang mga pulis at may ikinasang rally, sa halip na bumper to bumper ang trapik ay makakapagmando nang maayos ang mga enforcer habang mababawasan ang mararanasang perhuwisyo ng mga motorista sa mga lansangan.


Sana, lagi nating isipin na magtulungan para maging maganda ang ating kabuhayan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page