Transport groups, banggaan dahil sa selosan
- BULGAR
- Oct 28, 2023
- 3 min read
ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 28, 2023
Tila nahihirapan ang Malacañang kung paano sisinupin ang mga transport group na ngayon ay nagkakahati-hati sa istilo ng pakikipaglaban ngunit iisa naman ang layunin -- ang tutulan ang phaseout ng tradisyunal na jeepney.
Ang problema, hindi maiiwasan ang selosan sa isinasagawang pagtrato ng pamahalaan sa mga transport group dahil lumalabas na may mga nakumbinsing transport group ang pamahalaan na umayon sa kanilang panig at may ilan naman na seryosong itinutuloy ang ibang pamamaraan ng pakikipaglaban.
Tulad na lamang ng nangyari noong nakaraang Martes nang makipagkita ang ilang lider ng ‘Magnificent 7’ at ‘Mighty One’ sa sektor ng transportasyon upang iparating ang mga isyu mula sa kanilang hanay.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nagkaroon ng working lunch ang mga opisyal at transport leaders kung saan inilatag nila sa Palasyo ang kanilang mga hinaing at problema sa kanilang sektor.
Kabilang dito ang problema ng mga tsuper hindi lamang sa mataas na presyo ng langis at modernisasyon, kundi pati na rin ang talamak na kotongan sa bawat local government unit sa kanilang mga ruta.
Tiniyak naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na titingnan at tutugunan nila ang mga ipinarating na concerns sa Palasyo at aatasan ang mga kaukulang departamento ng gobyerno para lutasin ang problema ng mga tsuper.
Sa gitna ng pagpupulong ay nagpahayag ang mga nagsidalong lider ng kanilang suporta sa isinusulong na modernisasyon ng administrasyon at nagpasalamat sa patuloy na pagtulong sa operators at drivers ng mga pampublikong sasakyan.
Ngunit, kasabay ng isinasagawang pagpupulong ay nagsasagawa naman ng protesta ang grupong PISTON na mariin namang idinadaing ang panibagong oil price hike na suportado rin ng grupong MANIBELA na nag-post pa sa kanilang Facebook account na, “Habang masaya umanong kumakain ng masarap na tanghalian ang piling transport group ay may ilang grupo naman na naghihirap para sa kanilang karaingan”.
Sa pangyayaring ito ay ramdam na may mga nananaghili sa ginagawang pagtrato ng pamahalaan sa mga transport group at hindi pa natin mabatid kung ano ang magiging epekto nito sa mga darating na araw, lalo pa at malapit na ang taning sa phaseout sa Disyembre 31, 2023.
Sa gitna naman ng mga usapin ay inatasan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) ang Department of Energy (DOE) na pabilisin ang pamamahagi ng fuel subsidy sa transport sector simula sa susunod na taon.
Nais umano ng Pangulo na mula sa dating tatlong buwang proseso ay maging isang buwan na lamang ang proseso upang hindi maghintay nang matagal ang mga benepisyaryo ng fuel subsidy.
Iniutos ni P-BBM na simplehan ang mga requirements sa fuel subsidy upang mabilis na mapakinabangan ito ng mga benepisyaryong apektado ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Inaabot kasi ng hanggang tatlong buwan ang pamamahagi ng fuel subsidy dahil kinakailangan pang pagsama-samahin ng Department of Transportation (DOTr) ang listahan mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Trade and Industry (DTI).
Ang hakbang na ito ng pamahalaan ay hindi lamang para sa ilang paboritong transport group, kundi para sa lahat ng benepisyaryo ng fuel subsidy na marami pa ring hindi inaabot.
Maselan, masalimuot pa rin ang usapin hinggil sa kalagayan ng mga transport group na alam nating mas iigting pa dahil sa nalalapit na taning sa phaseout at ipagkatiwala natin sa pamahalaan ang lahat ng diskarte kung paano ito ireresolba.
Dalangin lang natin na sana ay hindi na magkanya-kanya ang mga transport group dahil kung tutuusin ay iisa lang naman ang kanilang ipinaglalaban ngunit hindi rin maiaalis na may ilang transport group ang nabibigyan ng pabor kaya umiiral ang selosan.
Sana, sa pagpasok ng bagong taon ay naresolba ang problema sa transport group na pabor sa lahat dahil ang higit na apektado kung hindi ito maisasaayos ay ang publiko na araw-araw bumibiyahe.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.








Comments