Transmission ng avian flu sa mga tao, bihira lang — DOH

ni Lolet Abania | April 1, 2022

Napakabihira na magkaroon ng transmission o pagkahawa ng avian flu mula sa mga ibon sa mga tao, ayon sa Department of Health (DOH).
Ito ang naging tugon ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire matapos na ang Department of Agriculture (DA) ay maghigpit sa mga restriksyon laban sa outbreaks ng avian influenza H5N1 sa ilang bahagi ng Luzon.
“Hindi kinakailangan mag-alala ng publiko bilang ang chance po ng transmission ng avian flu sa mga tao ay mababa. Ayon po sa World Health Organization, ang transmission from birds to humans at humans to humans ng avian flu ay napaka-rare, ibig sabihin ‘di po madalas nangyayari,” pahayag ni Vergeire sa mga reporters ngayong Biyernes.
Gayunman, paalala ni Vergeire sa publiko na patuloy na sumunod sa mga minimum health standards gaya ng tamang pagsusuot ng face masks at hand hygiene dahil ang avian flu ay isang respiratory illness.
“Inaabisuhan ang publiko na umiwas sa paglapit sa wild birds o may ibong may sakit, o paglapit sa close contact na tao ng mga ibon o fowls na may sakit,” sabi pa ni Vergeire.





Comments