top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Trahedyang nangyari sa Manila Post Office, ‘wag na sanang maulit

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 7, 2023
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | June 07, 2023



Isang aksidente ang sanhi ng sunog na tumupok sa Manila Central Post Office.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang apoy sa isang baterya ng kotse na nag-discharge, uminit, at nagdulot ng pagsabog sa paligid ng iba pang combustible materials sa Mega Manila Storage Room.


Ang mga materyales na nakaimbak sa naturang silid ay mga supplies at kagamitan sa opisina, thinner, at pintura.


Ayon sa BFP, ang sunog sa Manila Central Post Office ay itinuturing na ngayong “closed case”.


Sinabi ni Philippine Postal Corporation (PHLPost) Postmaster General Luis Carlos na tinatanggap nila ang resulta ng imbestigasyon ng BFP.


Batay sa opisyal, tinututukan na sa ngayon ng PHLPost ang pagbawi at rehabilitasyon ng nasunog na makasaysayang gusali.


Matatandaang Mayo 21 nang masunog ang Manila Central Post Office, na nagsimula sa basement ng gusali at agad na umabot sa pinakamataas na palapag.


Itinaas sa first alarm ang sunog ng alas-11:41 ng gabi noong Mayo 21 habang general alarm, o ang pinakamataas na fire alarm level, ng alas-5:54 ng madaling-araw noong Mayo 22.


Matapos ang mahigit 30 oras, Mayo 23, idineklarang fire out ang sunog sa nasabing gusali.


Umabot sa 18 indibidwal, karamihan ay mga bumbero ang iniulat na nasaktan.


Base pa sa BFP, hindi bababa sa dalawang istruktura sa loob ng gusali ang natupok habang ang tinatayang halaga ng pinsala ay nasa P300 milyon.


Hindi biro ang abutin ng sunog ang iyong kabahayan at mga ari-arian. Marami ang nagsasabi na mabuti pang manakawan, huwag lamang masunugan.


Ang masaklap sa nasunog na lumang gusali ng Post Office, posibleng marami pa ring mga papeles na kasamang natupok. Sana lang walang anumang mahahalagang dokumento ang nadamay at naabo.


Maituturing sigurong aksidente ang nangyaring ito dahil walang nakaaalam talaga kung kailan sisiklab ang apoy.


Marahil, kung naging mas maingat tayo sa lahat ng oras maiiwasan natin ang ganitong klase ng trahedya.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page