Trahedya ng couple rider, 'wag na ikalat sa social media
- BULGAR
- Dec 1, 2022
- 3 min read
ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | December 1, 2022
Naglipana sa iba’t ibang social media platform, partikular sa YouTube at Facebook ang iba’t ibang klase ng aksidente na karaniwang kinasasangkutan ng ating mga ‘kagulong’ at ang iba ay viral pa na madalas ay nakadaragdag pa sa pighati na dinaranas ng mga kaanak.
Tulad na lamang ng nangyari sa mag-asawa na libangan ang sumakay ng motorsiklo at malaking bahagi ng kanilang bonding bilang mag-asawa ay ang mag-joy ride sa iba’t ibang lugar sa tuwing sila ay may pagkakataon dahil may kaya naman sila sa buhay.
Nitong nagdaang Nobyembre 13 ay nagtungo ang mag-asawang nabanggit sa dinarayong lugar ng mga mahilig magmotorsiklo—ang Marilaque Highway sa Tanay, Rizal na paboritong destinasyon ng iba’t ibang grupo ng ating mga ‘kagulong’.
Bago pa man din sumabak ang mag-asawang ito na tahakin ang kahabaan ng naturang highway ay nakangiti pa sila nag-post ng kanilang huling larawan ilang minuto bago maganap ang trahedya na may photo caption pang, “Sunday ride! Keep us safe Lord!”.
Sa katunayan, bukod sa napakaraming ‘kagulong’ natin ang nagtutungo doon ay dinarayo rin ito ng mga motovlogger dahil lahat sila ay kinukunan ang mga humaharurot ng motorsiklo pababa at nagpapalakpakan pa.
Karamihan sa mga vlogger ay nakapuwesto sa halos lahat ng kurbada, ngunit mas paborito nilang mag-abang sa tinatawag nilang overshoot spot sa kahabaan ng naturang highway na tinatawag din nilang portal na ang ibig sabihin umano ay lagusan patungong langit o impyerno dahil sa dami na ng naaksidente sa naturang lugar.
Wala kasing araw na walang sumisemplang sa naturang kalsada dahil sa napakadelikado ng kurbada at lahat ng vlogger na naroon ay walang ginawa kung hindi ang mag-abang ng maaaksidente para may magamit silang content sa kanilang vlog.
May ilang mga ‘kagulong’ nga tayo na minsan kapag medyo naiinip na dahil sa walang naaaksidente kahit ordinaryong semplang lamang ay nagdadasal pa na sana umano ay may mangyari na para may magamit silang content na inaabangan umano ng kanilang followers.
At dumating nga ang pangyayari sa mag-asawa na habang magka-angkas na humaharurot pababa ng Marilaque Highway ay sumalpok sa hulihang bahagi ng kasalubong na pick-up truck na dahilan para pareho silang tumilapon.
Dead on the spot ang babae, samantalang naisugod pa sa pagamutan ang lalaki na kalauna'y binawian din ng buhay dahil sa dami ng tinamong bale sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ang higit na masakit sa pangyayaring ito ay apat na anak na pawang mga bata pa ang naulila dahil iniwan sila ng mag-asawang nasawi na wala naman ibang intensyon kung hindi ang maglibang gamit ang kanilang motorsiklo na karaniwan naman nilang ginagawa.
Nasakote naman ang driver ng pick-up truck, ngunit nang ibigay nito sa pulisya na nag-iimbestiga sa naturang kaso ang dashcam ng kanyang sasakyan ay doon nakita na may malaking pagkakamali ang mag-asawang nasawi dahil nag-counterflow sila kaya sumalpok na naging sanhi ng kanilang pagkasawi.
Kitang-kita rin sa dashcam na sobra ang bilis ng kanilang takbo at pagsapit sa kurbada ay sinakop nila ang linya pasalubong sa pick-up truck kaya hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong umiwas pa.
Dahil sa dami ng vlogger sa naturang lugar ay napakarami ng nag-upload, iba-iba rin ang detalye—may tama, may mali at hanggang ngayon ay viral pa rin ang naturang pangyayari kaya nakikusap ang kaanak ng mga nasawi na kung maaari ay i-delete o alisin na ang naglipanang video.
Tulong umano ito sa apat na maliliit pang anak na mahihirapang makalimutan ang pangyayari dahil santambak talaga ang video, lalo na sa YouTube na isang pindot lang sa cellphone ay nagbabalik na ang masakit na pangyayari, lalo na sa mga kaanak.
Tinatawagan din natin ang Rizal PNP na sana ay bantayan ang naturang lugar na mahabang panahon nang palaging may naaaksidente at huwag nating ikatuwa na tila isa na itong tourist destination dahil buhay ang nakataya dito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.








Comments