Tradisyunal na jeepney, tuloy ang pasada
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 8, 2023
Ratsada pa rin sa mga kalsada ang mga tsuper ng tradisyunal na jeepney kasunod ng pagpapalawig ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ng validity ng kanilang provisional authority o prangkisa.
Ito ang kinumpirma ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III, matapos ang pinal na deliberasyon ng ahensya para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), kung saan napagpasyahan ng mga miyembro ng Board na magbigay ng panibagong extension sa prangkisa ng mga tradisyunal na jeepney.
Ayon sa opisyal, layon nito na masigurong walang driver o operator na mapag-iiwanan ng naturang programa ng gobyerno. Subalit, nilinaw ni Guadiz na kailangan pang isapinal ang mga detalye tungkol sa mga rules and regulations na mamamahala sa pagpapalawig ng bisa ng prangkisa ng mga ito.
Sinabi rin ng LTFRB chief na mula sa target na bilang ng unit na ilalahok sa modernisasyon, nasa 60 porsyento ng mga jeep ang sumailalim na sa PUVMP at 40 porsyento naman ang hinihintay na makasali sa programa.
Tatalakayin pa rin ng ahensya kung may mga lugar na fully modernized na, at du’n posibleng ilatag na nila nang tuluyan ang full modernization program.
Paliwanag pa nito na bukod sa hindi pa handa ang lahat ng mga jeep na maging modernisado, kinonsidera rin nila ang problema sa sektor ng transportasyon. Kabilang dito ang kakulangan sa mga public transport na mareresolbahan kapag pinalawig pa ang bisa ng mga prangkisa ng mga tradisyunal na jeep at matitiyak na walang tsuper o operator na mapag-iiwanan kaugnay ng modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan.
Napakalaking tulong ng ginawang desisyon ng LTFRB na i-extend ang bisa ng mga prangkisa, hindi lang para sa mga drayber at operator ng mga tradisyunal na jeepney, kundi higit na pakinabang din ito sa mga komyuter.
Kung iisipin, araw-araw ay hirap na ang mga komyuter na papasok sa kanilang trabaho at maging sa mga paaralan dahil sa kakulangan ng masasakyan. Madalas pang nale-late sa mga opisina dahil inaabot ng ilang oras ng kahihintay sa kalsada o sa mahabang pila sa mga terminal para makasakay ng jeep.
Pero dahil tuloy ang mga lumang jeepney sa pagbiyahe, makapagbibigay pa rin ito ng serbisyo sa mga komyuter.
Mas nakabuti rin ito sa ating mga drayber na nais pang maghanapbuhay para sa kanilang pamilya.
Sa halip na umasa sila sa ayuda ng gobyerno, mas gugustuhin nilang magbanat ng kanilang mga buto at mamasada sa maghapon para sa pag-uwi nila sa kanilang pamilya ay may maihahain sa hapag-kainan na kanilang pagsasaluhan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments