top of page
SPECIAL - MISTER NI BEA NA SI VINCENT, ‘DI TINANGGAL SA PUREGOLD_IG _beaalonzo.jpeg

Tourism Sec. Frasco, kung may hiya pang natitira, resign na!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 5, 2023
2 min read

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | July 5, 2023



KUNG MAY HIYA SI SEC. FRASCO, DAPAT MAG-RESIGN NA SIYA SA PALPAK NA “LOVE THE PHILIPPINES” SLOGAN -- Hindi lang pala ang mga magagandang lugar sa Thailand, Indonesia, Dubai at Switzerland ang ginamit para sa video promotion ng slogan na “Love the Philippines” kundi pati pala ang slogan na ito (Love the Philippines) ay kinopya lang sa mga bansang Cyprus na naunang gumamit ng slogan na "Love Cyprus" at Barbados na nauna ring gumamit ng slogan na “Love Barbados”.


Pera ng bayan, tumataginting na P49 million ang ginasta ng Marcos administration sa sablay na “Love the Philippines” slogan, kaya’t kung may hiya pang natitira sa kanyang sarili si Sec. Christina Frasco ng Dept. of Tourism (DOT) ay dapat mag-resign na siya sa tungkulin, kasi sa totoo lang, dahil sa palpak na slogan na ito, tiyak na pinagtatawanan na ng buong mundo ang Pilipinas, period!


◘◘◘


MGA SEN. AT CONG. NA PUMURI KAY P-BBM, SILA ‘YUNG MGA PORK BARREL POLITICIANS -- Mataas na rating ang ibinigay ng mga majority senators at congressmen sa isang taong performance ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) bilang lider ng ‘Pinas.


Siyanga pala, ‘yung mga senador at kongresistang pumuri nang todo kay P-BBM, ay sila ‘yung mga tinatawag na mga pork barrel politicians, boom!


◘◘◘


BUTI NA LANG MAY COA KAYA NABULGAR NA GUMASTA SI VP SARA SA PERA NG BAYAN NANG WALANG BIDDING -- Ibinulgar ng Commission on Audit (COA) na hindi daw sumunod sa batas, sa ilalim ng procurement law sa pagbili ng mga bagong kagamitan ang Office of the Vice President (OVP) ni VP Sara Duterte-Carpio para sa pitong OVP satellite office, na dapat daw ang halagang higit P668,000 na ginasta rito ng OVP ay dumaan sa bidding.


Buti na lang may COA, kasi kung wala, hindi malalaman ng mamamayan na may ganitong diskarte si VP Sara, na hindi na idinadaan sa bidding ang paggasta ng kanyang tanggapan sa pera ng bayan, period!


◘◘◘


SAAN KAYA GINASTA NI VP SARA ANG KANYANG P125-M CONFIDENTIAL FUND? -- Hindi lang ang maling paggasta ng OVP ni VP Sara sa pera ng bayan ang nasilip ng COA, kasi nakagasta na raw ang bise presidente ng P125 million sa kanyang confidential fund.


At dahil walang resibo, hindi ngayon malaman ng COA at ng mamamayan kung saan ginastos o napunta ang P125-M na nabawas sa P500-M confidential fund ni VP Sara, tsk!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page