Todo-bilib na biktima ng rape si Deniece… ATTY. TOPACIO: MGA IBA PANG NAGREREKLAMO KAY VHONG, LUMANTAD NA!

by Janiz Navida @Showbiz Special | September 30, 2026

Photo: FB Atty Ferdinand Topacio & Vhong Navarro
Nakausap din namin si Atty. Ferdie Topacio kahapon at hiningan namin ito ng pahayag kaugnay ng balitang palalayain na raw sina Deniece Cornejo at Cedric Lee after ng 2 taong pagkakakulong sa isinampang serious illegal detention sa kanila ni Vhong Navarro.
Isa si Atty. Ferdie sa mga dating abogado ni Deniece pero nag-withdraw siya dahil sa ilang hindi pagkakaintindihan sa iba pang lawyers ng kanyang kliyente.
Matagal na raw niyang kaibigan ang lola ni Deniece na si Mr. Rod Cornejo kaya niya ito tinulungan, at kahit naman daw hindi na siya abogado, nakasuporta pa rin siya kay Deniece dahil buo ang paniniwala niyang na-rape ito, pero ito pa ang nakulong.
“Well, I’m elated at nasiyahan ako sapagkat justice has been done at hindi naman dapat ‘yung biktima ‘yung nakakulong,” bungad ni Atty. Topacio nang tanungin namin kung ano’ng naramdaman niya sa balita tungkol kay Deniece.
Pero sa balitang aapela raw si Vhong, saad ni Atty. Ferdie, “Well, that’s their right, wala tayong magagawa ru’n, eh.”
Dagdag na pahayag ng abogado, “Sana lamang, with this development, lumakas ang loob ng ibang allegedly ay nagrereklamo kay Vhong Navarro at lumantad na sila at tutulungan natin.”
May mga lumabas daw kasi noon pero dahil sa pamba-bash ng mga netizens, walang naglakas-loob na magsampa ng reklamo laban sa It’s Showtime host maliban kay Deniece Cornejo.
Entry niya, star-studded daw…
GERALD, WISH NA ‘DI MABIKTIMA NG PALAKASAN SA MMFF
Personal na nagtungo kahapon ang bida ng Liwanag at Dilim na si Gerald Santos kasama ang writer at direktor ng pelikula at longtime manager din niyang si Doc Rommel Ramilo sa opisina ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang magsumite ng kanilang entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) sa December.
Kasama rin nilang nagpunta ang kaibigang abogado at film producer na si Atty. Ferdinand “Ferdie” Topacio na naniniwalang ang mga ganitong klase ng pelikula ang dapat na ipinapalabas tuwing MMFF hindi lang dahil sa historical value nito kundi sa malaking magiging ambag nito sa film industry ng bansa.
Ang Liwanag at Dilim ay biopic ng isa sa mga bayani nating si Heneral Emilio Jacinto.
Ayon kay Gerald nang makausap namin over merienda after ng kanilang pagsusumite ng entry sa MMDA office, kinakabahan siya lalo’t first time niyang magbibida sa pelikulang intended sanang mapasama sa festival.
Alam daw niyang mabibigat ang mga kalaban tuwing ganitong season, pero naniniwala siyang maganda ang kalidad ng pelikulang pinaghirapan nilang i-shoot sa loob ng 6 na linggo.
Tinanong namin ang Broadway singer-actor kung hindi ba siya natatakot na mapulitika ang entry nila dahil may bulung-bulungan na may palakasan para makapasok sa MMFF.
Aniya, naririnig din niya ito, pero umaasa siyang mas bibigyang-pansin ng screening committee ang magandang istorya at pagkakagawa ng pelikula na tiyak na magiging malaking ambag lalo na sa mga estudyante ng kasalukuyang henerasyon.
Ipinagmalaki rin ni Gerald na star-studded ang Liwanag at Dilim at kasama niya rito sina Alden Richards (as Dr. Jose Rizal), Alexa Miro bilang kanyang wife, Sid Lucero (as Andres Bonifacio), Mercedes Cabral (as Sisa), Aljur Abrenica (as Gen. Miguel Malvar), Isay Alvarez & Robert Seña (as Doña Victorina & Don Tiburcio), Jason Gainza, Pekto Nacua at si Ms. Angel Aquino (bilang Kalayaan).
Sobrang kinarir ni Gerald ang role niyang Heneral Emilio Jacinto at in fact, nagpapayat daw siya kaya in 2 months ay nabawasan siya ng 8 kilograms.
No wonder, mas lumakas ang appeal ngayon ni Gerald Santos at ‘di lang siya pang-musical plays, pang-malakihang pelikula na rin siya.
FOR sure, trip down memory lane ang magaganap sa pagko-collab ng The Company at NeoColours sa kanilang Pakisabi Na Lang, Tuloy Pa Rin! concert sa October 8, 2026 na gaganapin sa Newport Performing Arts Theater, Newport World Resorts, Pasay City at 8 PM.
Parehong sikat na OPM Band ang The Company at NeoColours nu’ng dekada ‘80 hanggang ‘90 at parte sila ng kabataan ng mga ngayon ay “Titos at Titas of Manila”.
Tuloy Pa Rin ang pinakasikat na kanta ng NeoColours pero kilala rin ang mga kanta nilang Maybe, Say You'll Never Go, Kasalanan Ko Ba, Hold On, Here I Am Again at Sandali Lang.
Pumatok naman sa mga kabataan noon ang Now That I Have You, Muntik Na Kitang Minahal, Pakisabi Na Lang, Everlasting Love at Akin Ka Na Lang ng The Company at noon pa lang, nauso na ang mga ‘hugot’ dahil sa kanila.
Kaya sa mga titos at titas natin d’yan na hindi pa nakakabili ng tiket, naku, ‘wag n’yong palagpasin ito at tiyak, maraming memories ng ating kabataan ang manunumbalik sa pakikinig sa kanilang mga pinasikat na kanta.
Ang Pakisabi Na Lang, Tuloy Pa Rin! ay produced ng EchoJam Productions ni Ms. Mhae Sarenas mula sa concert director na si Calvin Neria at musical directors na sina Beth Martin at Jimmy Antiporda.





Comments