Todo-alala dahil ‘di na malambing ang dyowa
- BULGAR
- Jan 18, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | January 18, 2023
Dear Sister Isabel,
Nawa’y maging masagana ang buong taon sa buhay n’yo. Gusto kong malaman kung paano mapapaamo ang dyowa ko. Dati ay napakalambing at maalalahanin niya, pero nitong mga nakaraang araw ay bigla siyang nagbago. Matabang na ang pagtingin niya sa akin at madalang na kaming mag-date. Wala naman akong alam kung may babae ba siya o wala, kaya naging palaisipan sa akin ang malaking pagbabago sa mga kinikilos niya ngayon.
Ano ang dapat kong gawin para bumalik ang pagiging malambing at maalalahanin niya sa akin? Sana ay matulungan n’yo ako kung paano ko siya mapapaamo upang muling bumalik ang tamis ng pagtitinginan namin.
Nagpapasalamat,
Imelda ng Ilocos Sur
Sa iyo, Imelda,
Sinubukan mo na bang kausapin siya upang alamin kung bakit siya nagbago ng pakikitungo sa iyo? Kung wala siyang babae, baka naman may iniinda siyang sakit at ayaw lang niyang ipahalata o baka may taning na ang buhay niya, kaya bigla siyang nagbago ng pakikitungo sa iyo, hindi na malambing at nabawasan na rin ang pagiging maalalahanin niya.
Gayunman, ipinapayo ko na kausapin mo siya nang masinsinan at ipakita mo na handa kang damayan siya sa kanyang problema. Ipaunawa mo na nand’yan ka para damayan siya, anuman ang gumugulo sa isip niya. Gayundin, ihanda mo ang iyong sarili sa anumang iyong matutuklasan.
Ipagdasal mo nang taimtim sa Diyos na tulungan kang maunawaan ang anumang problema ng dyowa mo at bigyan ng kalakasan ang iyong puso at kalooban upang malagpasan ito.
Samantala, hindi pampaamo ang kailangan mo kundi pang-unawa, pagmamahal at tibay ng loob. Manatili kang kalmante at open-minded sa mga pangyayari.
Lakip nito ang dalangin ko na malagpasan mo ang iyong pinagdadaanan ngayon. Lilipas at malulutas din ‘yan sa awa at tulong ng Dakilang Lumikha.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments