Tiyak ang kapalarang umasenso sa abroad
- BULGAR
- Feb 27, 2023
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | Pebrero 27, 2023
Dear Maestro,
Gusto kong malaman kung ano ang mangyayari sa kapalaran ko.
Sa ngayon, nag-a-apply ako sa barko, ito ay sariling effort lamang at walang kakilala.
Naglakas-loob lang akong mag-apply nang makita kong may hiring sa agency. Dati na kasi akong nagbabarko, kaya lang, pang-inter island lamang, kaya sa pagkakataong ito, nangangarap din akong makalabas ng bansa.
Sa palagay n’yo, Maestro, matutuloy ba ako at hindi maracket o mabiktima ng illegal recruiter? April 2, 1993 ang birthday ko.
Umaasa,
Rommel ng San Andres, Guimba, Nueva Ecija
Dear Rommel,
Ang birth date mong 2, destiny number na 1 (4+2+1993=1999/19+99=118/11+8=19/1+9=10/ 1+0=1) at zodiac sign mong Aries, ang nagsasabing makakapag-abroad ka kahit sabihin pang ikaw lang mag-isa ang nag-e-effort o nagsisikap na makapangibang-bansa, walang backer o kakilala.
Sapagkat ayon sa iyong mga numero, siguradong darating ang takdang panahon na may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong karanasan.
Kaya kung nag-apply ka ng walk-in lang, walang nag-refer o nagba-backer sa iyo sa kasalukuyan mong agency, tulad ng naipaliwanag na, makakaalis ka pa rin sa sandaling umiral sa kapalaran mo ang iyong destiny number na 1, na sadyang mapalad sa pangingibang-bansa.
Samantala, kung mananatili at iiral ang numerong 2 sa iyong pagkatao, dapat ay manghiram ka ng lakas o tulong mula sa ibang mga tao, lalo na ang mga taong may strong number tulad ng 9, 18, 27, 1, 10, 19, 28, 8, 17 at 26.
Sa ganu’ng paraan, kapag tinulungan ka ng mga taong nabanggit, lalo na kung Leo o Sagittarius ang kanilang zodiac sign, puwede rin ang isang Libra, tiyak na matutupad mo ang iyong pangarap na makapagbarko at makarating sa ibayong-dagat. Ngunit kung ang numero o destiny number mong 1 ang iiral, tulad ng naipaliwanag na, kahit wala kang backer o tumulong sa iyo, sigurado pa ring magaganap sa iyong tadhana ang mabunga at masagang pangingibang-bansa, lalo na kung may malinaw at maaliwalas na Travel Line sa kaliwa at kanan mong palad.
Ayon sa iyong Travel Calendar, ngayong 2023, matutupad ang pangarap mong makapag-abroad.
Ang pagiging mahusay na mandaragat na makapaglalayag sa iba’t ibang bahagi ng karagatan sa buong mundo ang magdadala sa iyo ng malaking pag-unlad sa career at kabuhayan. Ito ay magaganap sa partikular na buwan ng Setyembre o Oktubre at sa edad mong 30 pataas.




Comments