Tips para safe ang pag-attend sa concert
- BULGAR
- Nov 5, 2022
- 3 min read
ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | November 5, 2022
Habang nasa long weekend ang karamihan sa atin nitong nakalipas na linggo para sa paggunita ng Undas, dinanas ng South Korea ang pinakamalaking stampede sa kanilang kasaysayan noong Halloween.
Mahigit 150 katao ang nasawi habang libu-libo naman ang sugatan, kung saan karamihan ay kabataan. Walang sinabi ang pinakamalalang stampede sa 'Pinas noong 2006 sa Pasig o 'yung Wowowee stampede, kung saan 73 ang namatay.
Matatandang humigit-kumulang 30,000 katao ang nagtipun-tipon sa harap ng PhilSports Arena upang sumali sa 1st anniversary episode ng dating TV variety show sa pag-asang mabingwit ang malalaking papremyo, tulad ng mga jeepney at isang milyong piso.
Kakulangan ng oxygen ang karaniwang dahilan ng pagkamatay mula sa stampede o kung tawagin ay asphyxia. Ang pinakamahusay na depensa laban sa stampede—tulad ng pinakamahusay na depensa laban sa iba pang kalamidad, gawa man ng tao o natural—ay impormasyon.
Narito ang ilang tips bago pumunta sa event, kung saan maraming tao ang inaasahang pupunta.
Kung planong um-attend sa malaking event, tulad ng concert ay magplano nang maaga. Alamin ang lagay ng panahon at tandaan, kapag umuulan, maaaring dumami ang tao sapagkat maghahanap sila ng masisilungan.
Huwag pumunta sa event nang mag-isa. Mas okay na palaging may kasama.
Palaging dalhin ang mga ID card at cellphone.
Iwasang magsuot ng mahabang damit at nakalawit na alahas.
Iwasang magsuot ng de-sintas na sapatos at pumili ng komportableng sapatos para maiwasan ang pagkatisod.
Magbaon at uminom ng tubig upang maiwasang mahimatay o mahilo sa gitna ng maraming tao.
Siguraduhing pangasiwaan ang iyong mga anak, kung dadalhin sila.
Bago ang kaganapan o sa sandaling makarating sa venue, alamin kung nasaan ang emergency exit, pati na rin ang iba pang pinto at bintana na maaaring magsilbing lagusan.
Lumayo sa mga barikada at bakod malapit sa pangunahing entablado. May posibilidad na dumagsa ang mga tao sa lugar na ito at maipit kapag nagkatulakan na.
Mag-ingat sa mga basurang nakakalat, tulad ng mga bote ng tubig na maaari makatisod.
Sundin ang event marshalls para sa tagubilin hinggil sa kaligtasan, tulad ng hindi pagpunta sa ibabaw ng mga speakers at iba pang imprastruktura. Maaaring mangyari ang mga aksidenteng pagbagsak at dahil dito ay magdulot ng panic.
Sumabay sa agos ng tao. Sa paglipat ng mga pulutong, subukang maglakad sa parehong bilis at paggalaw ng iba.
Kung sakaling bumagsak o mawalan ng balanse, bumangon agad o humingi ng saklolo. Kung hindi makabangon, protektahan ang ulo at leeg. Lumayo sa mga pader, rehas, bakod o iba pang solid o nakabarang bagay.
Kung sakaling magkaroon ng apoy o usok, yumuko. Tandaan, habang tumataas ang usok, nauubusan ng oxygen na nagpapahirap sa paghinga.
Kung nasugatan, humingi ng medikal na atensyon sa lalong madaling panahon. Makabubuting malaman kung saan matatagpuan ang first aid stations at opisina ng security.
Sa dami ng aking kaibigan mula sa South Korea, bukod pa sa pagkahilig sa mga K-drama, extra sakit ang nangyaring stampede sa Itaewon. Ngunit sana ay magsilbi itong wake up call para sa mga ahensya ng gobyerno sa 'Pinas at sa iba pang organisasyong nakatuon sa pag-iwas at pamamahala sa kalamidad. Dahil ang stampede ay hindi kasingkaraniwan ng ibang kalamidad, madalas nagiging kampante tayo pagdating sa stampede. Nakalulungkot ngunit sa ngayon, wala gaanong materyales, tulad ng instructional videos kung paano mabuhay sa gitna ng mga stampede. Kaya abangan ang gagawin nating instructional video para sa ating mga Pinoy, dahil 'ika nga'y karunungan ang pinakamabisang sandata pagdating sa mga aksidente!
Para sa mga iba inyong mga tips at suhestyon, mag email sa mathayrikki@gmail.com.




Comments