Search
  • BULGAR

Tips para manatili sa kumpanya na nagbabawas ng empleyado

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | June 25, 2020




Umaaray ang ekonomiya sa panahon ng pandemya. Dama ng bawat isa hindi lang ng mga nasa laylayan ng lipunan ang hirap na dinaranas ngayon. Maraming mga kumpanya ang nagle-layoff ng mga empleyado, libu-libo ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.


Kapag nagpasya ang kumpanya ng layoffs, dine-determina nila kung sino ang mananatili para maipagpatuloy ang operasyon sa industriya. Masakit man sa kanila ang desisyon, may mga dahilan kung bakit ito nangyayari. Anuman ang performance at trabaho, gayundin ang attitude ng manggagawa ang madalas na may kinalaman kung ikaw ay kasama sa 'dispensable list.'


Gayunman, may ilang mga bagay kang magagawa upang maiwasan na makasama ang pangalan sa mga layoff at manatiling nasa kumpanya.

1. MAGING HANDA ‘PAG TINAWAG. Naniniwala ang maraming manggagawa na ang pinakamabuting paraan ay magtrabaho nang maigi at laging busy. Gawin nang todo ang trabaho at pagbutihin pa ito. Tiyaking nakikita ng marami ang iyong kakayahan at talento. Kausapin ang manager para ma-assess ang iyong achievements at progreso. Sikapin na handa ka na maipakita ang husay at galing mo. Makipag-ugnayan sa ibang departamento upang makilala ka nila at ipaalam ang iyong accomplishments at kung ano pa ang puwede mong maitulong. Ipakita mo sa iyong boss ang iyong kahalagahan sa kumpanya na hindi na kailangang lalabas na 'brown noser' ka o sipsip, kung magtatrabaho ka nang sinsero at may respeto.

2. MAGING MAHALAGA SA LABAS NG IYONG DEPARTAMENTO. Ang mga negosyante ay hindi nagtatanggal ng empleyado na ang husay, talento at kakayahan ay maaasahan na higit pa sa kanilang kapasidad. Higit kang mahalaga kung magpapakita ka ng malawak na kalidad at expertise sa trabaho kaysa sa iisang kaya lang. Ngayon ang panahon na bigyan ng dobleng halaga ang trabaho. Matuto ng iba pang skills o kakayahan. Magboluntaryo kang tumulong kahit sa ibang departamento kahit na ang trabaho ay hindi ayon sa job description mo. Lumahok sa company committee at mag-alok ng ekstrang proyekto. Ang pagiging proactive ay makatitiyak ng iyong positibong reputasyon at makikilala ka sa ganito ng departamento.

3. SIKAPING MAGING BUSY. Sa maraming kaso bumabagal ang negosyo dahil sa layoffs. Kung noon ay nababagot ka sa trabaho at binabayaran ka nang walang halos ginagawa, iba na ngayon. Magkusa ka at humanap ng bagong bagay na gagawin. Kumuha ng proyekto na maaring isingit sa mga ginagawa. Kung kailangang i-update lahat ng computer files sa isang departamento o may magulong supply cabinet na kailangang ayusin ay gawin mo. Kung nakaisip ka naman ng bagong sideline na business ay pag-ibayuhin ang bagong ideya at proyekto.

4. HARAPIN ANG PAGSUBOK. Marami ang umaasa at nananalangin na sana ay hindi sila kasama sa maaalis, hindi na lang nagsasalita kundi hinahayaan na lang ang management na magpasya kung kailangang manatili. Ipaalam agad sa manager na committed ka sa business, dumalo sa meeting at sabihing anuman ang pagsubok na dumating ay hindi ka natatakot na harapin ang mga problema.

5. ITAKDA ANG ISIPAN SA 'NEW NORMAL'. Marami nang pagbabago, maging ang job descriptions. Sa isang departamento, may nagbabagong gawain ang mga empleyado. Mapapansin na may nagrereklamo dahil sa pagbabago. Huwag ganu’n. Kailangan ay maging bukas ang iyong loob sa mga pagbabagong darating at harapin ang 'new normal' bilang opotunidad. Maging positibo.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.