top of page

Tips para makaipon kahit maliit ang suweldo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 2, 2020
  • 2 min read

ni Jersy Sanchez - @Life & Style| November 2, 2020




Mula nang maharap tayo sa pandemya, nalaman natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng savings o ipon, gayundin ang tamang pagba-budget. Aminin na natin, hindi lahat tayo ay mayroong kaalaman sa ganitong bagay, kaya nang nahinto sa trabaho, hindi natin alam kung saan tayo kukuha ng panggastos.


Kaya para hindi maulit ang ganitong sitwasyon, narito ang ilang tips para maging financially secured kahit hindi malaki ang iyong suweldo:

1. MONTHLY INCOME. Importanteng malaman ang iyong net income dahil ito ang magiging basehan mo sa lahat ng iyong plano para maging financially stable.

2. TOTAL MONTHLY EXPENSES. Dahil alam mo na kung magkano ang pera na pumapasok sa iyo kada buwan, ang susunod na hakbang ay magkaroon ng record ng gastusin. Mas magandang paghiwalayin ang income at expenses upang hindi magulo ang record. ‘Pag may record na, gumawa ng category ng gastusin. Halimbawa, sa kategoryang ‘utilities’, ilagay ang electric, water at internet bill, tapos ilagay ang halaga ng gastos sa bawat item. Gayundin, gawin ito sa iba pang category tulad ng ‘groceries’ at ‘rent’.

3. IKUMPARA ANG KITA AT GASTOS. Ibawas ang monthly expenses sa income at tingnan ang halagang matitira dahil ito ang magsisilbi mong ‘savings’. Dito mo malalaman kung malaki ang natitipid o nagagastos mo.

4. MAGKAROON NG BUDGET PLAN. Kung medyo malaki ang expenses mo, balikan ang iyong record, markahan ang mga bagay na puwedeng isantabi muna tulad ng yosi, alak, mamahaling skin care product at kung anu-ano pa. Well, puwede mo pa rin namang bilhin ang mga ito, pero make sure na pasok sa budget mo dahil for sure, mayroon pang mas murang brand dito para bumaba pa ang iyong gastos. Gayundin, puwedeng silipin ang iba pang gastusin tulad ng monthly subscription dahil baka puwedeng bitiwan muna ang cable network gayung busy ka naman sa iyong work. Kumbaga, iwasan muna ang gastos kung hindi mo ito lubos na napakikinabangan.

5. ITABI ANG SAVINGS. Agad na itabi ang natirang pera mula sa iyong income at ilagay sa hiwalay na savings account. Magandang magkaroon ng hiwalay na account para hindi mo madalas makita kung magkano na ang iyong ipon. Oks itong gawin para hindi ka matukso na gastusin ito, lalo na ‘pag medyo malaki na ang laman ng account.

Ayan, mga besh, madali lang, ‘di ba? Make sure na disiplinado ka para maging mas madali ang mga hakbang na ito. Ibang-iba ang sitwasyon natin ngayon, para iwas-stress pagdating sa gastusin, pag-aralang mabuti kung paano gagastusin nang tama ang ating kinikita.


‘Ika nga, ‘pag maiksi ang kumot, matutong mamaluktot. Keri?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page