Tibo na iniwan ng dyowa dahil wa’ na pera, makakilala pa ng iba
- BULGAR
- Dec 14, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | December 14, 2021

KATANUNGAN
1. May ka-live-in ako noon at almost five years ang relasyon namin. Nang makakilala siya ng lalaki sa internet at nakipagkita siya, naging sila hanggang sa nakipag-break na siya sa akin. Ayaw kong pumayag dahil mahal na mahal ko siya, pero masakit ang katwiran na binitiwan niya nang mag-usap kami. Sabi niya, gusto niyang magka-anak, na hindi ko naman sa kanya maibibigay dahil ako ay isang tomboy.
2. Pero hindi ako naniniwala na ‘yun ang katwiran niya dahil noong binubusog ko siya sa luho at naibibigay ko ang lahat ng kanyang pangangailangan, wala siyang reklamo at kahit minsan ay hindi naman niya binabanggit ang tungkol sa anak. Sa halip, ang madalas niya pang sabihin ay mahal na mahal niya ako at kahit pareho kaming babae, hindi niya ako iiwanan.
3. Madalas niyang sabihin ‘yun noong mapera pa ako, pero dahil naubos na ang ipon ko mula nang magka-pandemya dahil nagsara ang kumpanyang pinapasukan ko, biglang nagbago ang ihip ng hangin. May trabaho na ulit ako ngayon, pero medyo maliit ang suweldo kung ikukumpara noon.
4. Nais kong malaman kung may pag-asa pa bang magkabalikan kami? Ang pagkakaalam ko ay nagsasama na sila ng bagong boyfriend niya na alam kong mapera. Pero iniisip ko na kung sakaling dumami ulit ang pera ko, babalik ba siya ulit sa akin? Kung hindi na siya babalik, may iba pa bang babae na darating sa buhay ko na hindi ako lolokohin at makakasama ko habambuhay?
KASAGUTAN
1. ‘Yan talaga ang problema sa mga babaeng maluho, mahilig sa kayamanan o salapi, kapag wala ka nang maibigay, bokya at balewala ka na rin. Ang isa pang problema, paano nga kung totoo ang katwiran niya na kaya ka niya iniwan ay gusto na niyang magka-anak, na hindi mo rin pala maibibigay sa kanya?
2. Samantala, hindi na babalik ang dati mong kinakasama, ito ang nais sabihin ng nabiyak, gumulo at nagkabilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na isang matinding kabiguan sa pag-ibig na matagal-tagal na panahon mo ring dadamdamin.
3. Ang pag-aanalisang kabiguan sa unang pag-aasawa o pakikipag-live-in ang nakatakda mong maranasan ay madali namang kinumpirma ng nagulo at nabiyak ding unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ang unang pag-aasawa o pakikipag-live-in ay sadyang hindi magtatagal at panghabambuhay. Subalit dahil matapos mabiyak at magulo ang Heart Line (arrow a.) ay muli naman itong nagdugtong at gumanda (h-h arrow c.) sa dulong bahagi, sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, darating ang panahong maghihilom ang sugat ng puso, higit lalo sa paglutang ng ikalawang pag-ibig na inirerepresenta ng ikalawang mas malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A, at B. 2-M arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad.
4. Tanda na sa ikalawang pag-ibig o pakikipagrelasyon, sa isang babaeng nasa 5’1” hanggang 5’2” ang taas, na may cute o maliit na hugis ng mukha at morena na nagtataglay ng zodiac sign na Sagittarius o October hanggang December ang birthday, siya ang ikalawang makakarelasyon mo. Ang nasabing samahan ay nakatakdang maging panghabambuhay kahit hindi mo siya mabigyan ng mga anak, dahil ang babaeng ito ang magmamahal sa iyo habambuhay.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Ms. X, kung tuluyan mang mawala ang kinakasama mo ngayon, ibig sabihin ay sumama na siya sa lalaking nakilala niya sa sodial media, sa papasok ng 2022, sa buwan ng Enero hanggang Pebrero, magkakaroon ka ulit ng bagong karelasyon. Ang babaeng ito na halos hindi nagkakalayo ang inyong edad, ang makakasama mo habambuhay. At kahit hindi mo siya mabigyan ng anak at kahit hindi normal sa mata ng mapanuring lipunan ang inyong relasyon, tulad ng nasabi na (Drawing A. at B. 2-M arrow d.), siya na ang iyong makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na relasyon.
Comments