top of page
Search
  • BULGAR

Tiba-tiba mga kurakot sa panukala ni Cong. Sandro Marcos

ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | August 2, 2023


MAY MAGAGAWA SI P-BBM PARA BUMABA ANG PRESYO NG LANGIS, TANGGALIN LANG NIYA ANG OIL EXCISE TAX NI EX-P-DUTERTE, BABABA NA ANG PRESYO NITO -- Ubod ng laki ang itinaas o naidagdag kahapon sa kada litro ng gasolina (P3.20 to P3.50), diesel (P2.80 to P3.10) at kerosene (P1.85 to P2.15), at kung babalikan ang sinabi ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) last year na wala naman daw magagawa ang kanyang administrasyon para mapababa ang presyo ng mga produktong petrolyo, eh sa totoo lang ay merong magagawa ang pamahalaan.


Tanggalin lang ni P-BBM ang salot na oil excise tax na ipinataw noon ni ex-P-Duterte na hanggang ngayon ay ipinatutupad ng Marcos admin, malaki ang ibababa ng mga produktong petrolyo. At ang mababawas sa kada litro ng gasolina ay P10 excise tax, sa kada litro ng diesel ay P6 excise tax at sa kada litro ng kerosene ay P5 excise tax, period!


◘◘◘


KAPAG TINANGGAL NI P-BBM OIL EXCISE TAX NI EX-P-DUTERTE TIYAK BABABA ANG PRESYO NG MGA BILIHIN AT BAYARIN -- Hindi lang mga motorista ang apektado sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, kundi ang lahat ng mamamayan, kasi sa kada oil price increase, ang kabuntot niyan ay taas-presyo ng mga bilihin at bayarin.


Mula nang magpataw ng oil excise tax ang nakaraang Duterte admin ay nagtaasan na ang presyo ng mga bilihin, kaya’t kung ang oil excise tax na ito ni ex-P-Duterte ay tatanggalin ni P-BBM, siguradong bababa rin ang presyo ng mga bilihin at bayarin, boom!


◘◘◘


PANUKALA NI CONG. SANDRO, PABOR SA MGA KURAKOT -- Pangkurakot ang isinusulong ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos sa Kongreso na e-exempt sa procurement law ang pagbili ng national at local governments ng mga medical supplies and equipments.


Nasabi nating pangkurakot ito, kasi sa panukalang ‘yan ni Cong. Sandro ay hindi na dadaan sa competitive bidding process ang pagbili ng mga medical supplies and equipments, na ibig sabihin, ang mga trapo (traditional politicians) at mga buwaya na sa Dept. of Health (DOH) na ang mamimili ng supplier.


Mantakin n’yo, sa competitive bidding process nga ay nagkakaroon pa ng anomalya, eh ‘di lalo na kapag wala nang ipinairal na bidding sa pagbili ng mga medical supplies and equipments dahil tiyak na tiba-tiba sa kickback ang mga trapo at mga buwaya sa DOH, period!


◘◘◘


KAPAG INALIS ANG COMPETITIVE BIDDING PROCESS, MARAMING ALA-PHARMALLY ANG TITIBA SA PAMAHALAAN -- Kapag ang panukalang ‘yan ni Cong. Sandro ay ipinairal ng administrasyon ng kanyang amang si P-BBM, eh asahan nang maraming katulad ng Pharmally Pharmaceutical Inc. ang titiba, at siyempre, tiba-tiba rin ang mga kurakot na kasabwat nila sa pamahalaan.


Balikan natin ang isyung ito, na sa imbestigasyon ng Senado noon ay natuklasan na ang puhunan o kapital lang ng Pharmally ay P625-K. Pero dahil may koneksyon umano ito sa nakaraang Duterte admin noon ay wala nang ipinairal na competitive bidding at sa kumpanyang ito ibinigay ng mga alagad ni ex-P-Duterte ang P12 billion pambili ng mga face mask at face shields.


Buti na lang at ibinulgar ito ni dating Sen. Richard Gordon kaya nalaman ng publiko ang anomalyang ito. Ang masaklap nga lang, imbes ipakulong ni ex-P-Duterte ang mga sangkot sa scam na ito, eh siya pa ang nag-ala-abogado ng Pharmally, at ang inaway ay ang senador, tsk!


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page