Temperatura sa Metro Manila, pumalo na sa 34 degrees Celsius
ni Ryan Sison @Boses | Marso 8, 2024
Mas mainit na panahon sa hinaharap ang mararanasan sa Metro Manila.
Sa pagtaya ng PAGASA nitong Huwebes, umabot na sa 34 degrees Celsius ang temperatura sa naturang rehiyon.
Ayon kay PAGASA weather forecaster Obet Badrina, pumalo naman sa 31.5 degrees Celsius ang temperatura sa Metro Manila noong Miyerkules, habang ang heat index sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay umabot sa 35 degrees Celsius maximum temperature.
Habang ang pinakamataas na heat index ay naitala sa Tuguegarao, na pumalo sa 40 degrees Celsius noong Miyerkules.
Sinabi ni Badrina na tataas pa ang temperatura ngayong buwan hanggang Mayo.
Gayunman, ang northeast monsoon o amihan ay maaaring magpababa ng temperatura sa ilang bahagi ng Northern Luzon at maging sa Metro Manila hanggang Sabado.
Ang temperatura sa Cebu at Visayas ay aabot naman sa pagitan ng 26 degrees hanggang 32 degrees Celsius at 25 degrees hanggang 33 degrees Celsius sa Metro Davao.
Painit na nang painit ang nararanasan natin sa ngayon na posibleng epekto na rin ito ng El Nino.
Hindi biro ang naiuulat na heat index at pagpalo ng 40 degrees Celsius na temperatura dahil maihahalintulad na natin ito sa isang indibidwal na may lagnat.
Kaya naman kailangan natin ng ibayong pag-iingat. Uminom ng maraming tubig at piliin nating maligo ng at least 2 beses sa isang araw. Huwag nating hayaan na tayo ay ma-dehydrate.
Kung hindi naman importante ay huwag na tayong lumabas habang manatili na lamang sa loob ng bahay. Iwasan na rin nating kumain ng mga pagkain na mainit sa katawan sa halip ay magprutas na lang.
At sakaling may nararamdaman tayong kakaiba ay magpakonsulta agad sa doktor.
Sa kinauukulan, sana ay magkaroon ng mga programa na makakatulong para maibsan ang nararanasang matinding init sa ating kapaligiran.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments