Telcos, galaw-galaw vs. text scam
ni Ryan Sison - @Boses | May 31, 2022
Parami nang parami ang mga reklamo hinggil sa umano’y mga text scam.
Kalat na kalat ang mga text message na nag-aalok ng trabaho at may pangakong malaking suweldo.
Kaugnay nito, inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang lahat ng telco companies sa bansa na pangalagaan ang publiko laban sa mga text scam.
Inihalimbawa ng NTC ang pag-iisyu ng alerts sa pamamagitan ng text blasts sa kanilang mga subscribers na nagsasabing, huwag maniwala sa mga text na nag-aalok ng trabaho na may pangako ng malaking suweldo. Nais din ng komisyon na mabigyan ng abiso ang publiko laban sa fraudulent text scams gamit ang radio at TV stations mula Mayo 28 hanggang Hunyo 11, 2022.
Nagbigay ng palugit ang NTC hanggang Hunyo 8, 2022 upang makapagsumite ng kanilang compliance report hinggil sa naturang direktiba.
Matatandaang unang nagbabala ang technology experts laban sa spam messages at sinasabing nagpapasa ang scammers ng mga ganitong mensahe upang makakuha ng personal na detalye ng mga biktima.
Sa totoo lang, matagal nang problema ang text scam at nakakalungkot dahil may mga nabibiktima. Tipong, akala nila ay oportunidad na para makapaghanapbuhay pero ang ending, sila ang kawawa.
At habang tumatagal, lalong gumagaling ang mga scammer, kaya kung hindi magiging mapanuri ang isang subscriber, malamang na mabibiktima ito.
Kaya naman, hinihiling nating tumalima ang mga telco sa utos ng NTC dahil sila ang pinakamalaking katuwang upang matuldukan ang gawaing ito.
Isa pang pakiusap sa mga telco, sana’y may plano at hakbang kayo upang matukoy ang mga nasa likod nito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments