Team Lakay, nagkampeon sa Nat'l Kickboxing C'Ships
- BULGAR
- Nov 3, 2022
- 1 min read
ni VA - @Sports | November 3, 2022

Naghari ang Team Lakay sa katatapos na National Open Kickboxing Championships matapos nilang magwagi ng 14 na gold, dalawang silvers at tatlong bronze medals sa pagtatapos ng kompetisyon sa Music Hall ng Mall of Asia sa Pasay City.
Nanguna sa nasabing tagumpay ng fight club na nakabase sa Baguio City sina Hanoi Southeast Asian Games gold medalists Jean Claude Saclag at Gina Iniong Araos.
Ginapi ni Saclag si Drexter Taligan ng Nak Muay sa finals ng men’s 63.5-kg low kick class sa pamamagitan ng technical knockout habang tinalo naman ni Araos si Zepania Ngaya, 2-1, sa low kick 60-kg women’s finals.
Nagwagi din ng gold para sa koponan ng trainer na si Mark Sanglao sina mixed martial artists Danny Kingad, Honorio Banario, Jeremy Pacatiw at Jenelyn Olsim sa pagtatapos ng tatlong araw na kompetisyon na inorganisa ng Samahang Kickboxing ng Pilipinas na pinamunuan ni Francis Tolentino at Secretary General Wharton Chan.
Iginupo ni Kingad ang kinatawan ng Nak Muay Camp na si Vhiko Alhado sa gold medal match men’s 63.5-kilogram full contact division habang nanaig si Olsim sa kapwa niya Taga Baguio City na si Carrol Panganiban ng Nak Muay Camp sa women’s 60-kg full-contact finals.
Pinayukod ng Vietnam SEA Games bronze medalist na si Banario si Ejay Pestaño ng Dragon Knights Martial Arts para sa gold sa men’s 71-kilogram low kick habang mangibabaw si Pacatiw Kay John Galvan ng King’s Sword ABKA Davao sa finals ng men’s 71-kg full contact.
Inangkin nina Mary Carluen at Jerlyn Kingad ang gold at silver ayon sa pagkakasunod matapos magtala ng 1-2 finish sa women's 56-kg group.








Comments