top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Teaching Supplies Allowance, dapat nang maging batas

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 27, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 27, 2023



Naging maaliwalas ang isinagawa nating pangunguna sa public hearing noong nakaraang Miyerkules sa Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation hinggil sa panukalang magkaroon ng karagdagang benepisyo para sa mga guro.


Joint hearing ito na kinabibilangan ng Committees on Basic Education; Higher, Technical and Vocational Education; Ways and Means; at Finance na sama-samang nagsidalo para talakayin ang ilang mahahalagang panukala.


Nakapaloob sa inihanda naming agenda ang ilang panukalang-batas na naglalayong makapagbigay ng karagdagang benepisyo at insentibo sa ating mga pampublikong guro na may pinakamalaking bilang sa lahat ng grupo ng ating mga civil servants.


Nangunguna sa mga panukalang aming tinalakay ay ang Teaching Supplies Allowance (TSA) na ating inihain, hindi lang para bigyang kaluwagan ang ating mga public teacher kundi bilang pagkilala rin sa kanilang kabayanihan bilang tagapagtaguyod ng ating mga anak.


Tinalakay din namin ang karagdagang benepisyo para sa Teaching and Non-Teaching Personnel in Public Basic Education Schools at Additional Benefits and Privileges for Public School Teachers, na mag-aamyenda sa Republic Act No. 4670 o ang Magna Carta for Public School Teachers na isa rin sa ating isinumite.


Mandato kasi ng Konstitusyon na ang sektor ng edukasyon ang dapat na may pinakamataas na alokasyon mula sa ating pondo, kaya marapat lamang na pagtuunan ito ng pansin upang mapadali ang pagpapatupad nito.


Nakasaad sa Article 15, Section 5, number 5 ng ating Konstitusyon na kailangang matiyak na ang pagtuturo ay maging kaengga-engganyo at mapanatili ang kanilang pagpupursige na ibahagi ang kanilang talento.


Nais ko sanang bigyang-prayoridad ang ating panukala hinggil sa teaching supplies allowance para sa mga guro na mas kilala sa tawag na ‘chalk allowance’ bilang pagkilala na rin sa kanilang kahalagahan at pagtugon sa kanilang kapakanan.


Bilang mambabatas ay marami na tayong nagawa sa sektor ng edukasyon, hindi lang kapakanan ng mag-aaral ang ating tinutugunan dahil mahalagang ang mga guro ay bigyan natin ng prayoridad, lalo na kung karagdagang pondo ang pag-uusapan.


Hindi matatawaran ang panahong iginugol ng mga guro sa buhay ng ating mga anak na silang humubog para makapagsimulang makapamuhay ang mga kabataan tungo sa kanilang kinabukasan at kinabukasan ng buong bansa.


Ang TSA kasi ay unang ibinigay ng pamahalaan sa public teacher noong 1988 upang alalayan sila sa kani-kanilang mga gastusin sa gitna ng kanilang pagtuturo na may mga panahong nangangailangan ng materyales.


Ang naturang allowance ay pinondohan sa pamamagitan ng General Appropriations Act na taun-taong ipinapasa ng Kongreso, na puwedeng magkaroon ng pagbabago tulad ng pagtataas, pagbabawas o tuluyang pag-alis na rito—ang TSA ay maaari lamang palitan sa pamamagitan ng pag-amyenda sa naturang batas.


Sa isinumite nating Senate Bill No.22, ang TSA ay maaaring tumaas mula P5,000 para sa School Year (SY) 2022-2023 at SY 2023-2024 hanggang P7,500 para sa SY 2024-2025, at hanggang P10,000 para sa SY 2025-2026 at hindi kabilang sa income tax.


Nasa 962,869 pampublikong guro ang magbebenepisyo, base sa datos na inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) nitong Hulyo 5, 2022 kaya nagbigay sila ng pahayag na buo ang kanilang suporta na maipatupad ang naturang panukala, na sinuportahan din ng Department of Education (DepEd).


Kaya sa gitna nang pagdinig ay mariin nating ipinapaliwanag ang kahalagahan ng naturang allowance na dapat ay maisakatuparan sa lalong madaling panahon upang magkaroon ng seguridad at katiyakan ang mga pampublikong guro na permanente itong matanggap.


Aprubado na ito ng Senado sa ikatlong pagbasa noong 18th Congress, ibig sabihin ay dumaan na ito sa masusing pag-aaral at nabusisi na ito ng mahusay nang isinalang ito sa plenary deliberations.


Dahil sa ganda ng panukalang ito, wala naman masyadong tumututol sa kabuuan ng layunin nito, maliban sa ilang katanungan na normal naman sa pagbalangkas sa isang panukalang-batas.


Kitang-kita natin na buo ang suporta ng Senado na maisabatas ito dahil kung tutuusin ay napakababa ng karagdagang benepisyong ito, ngunit sa panig ng mga guro ay malaking tulong na ito.

Kaya ang pakiusap ko sa ating mga pampublikong guro, samahan natin ng panalangin na sana ay maging positibo ang lahat upang sa susunod na pagdinig ay maipagkaloob na natin ang pinakaaabangang TSA.


Buo naman ang pag-asa ko na ito na ang tamang panahon para maging ganap na batas ang TSA at malaking tulong ito para ganahan naman sa pagtuturo ang ating mga guro na may ilang tumatanda nang walang asawa dahil sa labis na pagtutok sa mga mag-aaral!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page