Teacher, takot tumandang dalaga
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | March 12, 2023
Dear Maestro,
Ako ay isang guro sa isang private school. Gusto kong lumipat sa public school para maiba, ang kaso, sa tuwing tatangkain kong kausapin ang may-ari ng paaralang pinagtatrabahuhan ko, ayaw nila akong payagang lumipat. Ang sabi ay taun-taon naman nila akong dinadagdagan ng suweldo at binibigyan pa ako ng mid-year bonus, kaya parang nagustuhan ko na rin sa school na ito, at wala naman akong gaanong ginagawa dahil kaunting subject lang ang load ko.
Pero hindi ‘yun ang problema ko, sa halip, ang problema ko ay ang aking love life.
Hindi ko kasi maisip kung bakit umabot ako ng edad 32, pero wala pa rin akong boyfriend. Minsan, napapapaisip ako habang nag-iisa sa church na baka nakalimutan na ako ni Lord o baka naman walang lalaking inilaan sa akin si Lord.
Ano ang masasabi n’yo, Maestro? Makakapag-asawa pa ba ako o tatandang dalaga na lang ako sa pagtuturo? September 29, 1990 ang birthday ko.
Umaasa,
Lady Bee ng Makinabang, Baliwag, Bulacan
Dear Lady Bee,
Lahat ng tao ay may nakalaan para sa kanya na mapapangasawa at makakasama habambuhay. Hindi lang para mapangasawa kundi para bumuo ng pamilya dahil ito ang atas o esensya ng ‘divine creation’ na may layuning ‘multiplication’, puwede ring tawaging “pagpapalahi” upang kalatan ng lahi ng tao ang mundo.
Masdan mo ang mga halaman. Alam mo bang sa bawat uri o specie ng halaman ay may tinatawag pang “kamag-anakan” na uri? Halimbawa, pamilya ng mga gulay, damo, prutas, bulaklak at kung anu-ano pa.
Mula sa isang pamilya, ayon sa “Father of Evolution Theory” na si Charles Darwin, may isang bagay siyang napansin sa buhay ng mga hayop at mga halaman, sila ay kusang dumadami at nagiging sopistikado ang bawat bahagi ng kanilang katawan (transmutation of species), habang tumatagal ang kanilang buhay sa mundo.
Mula sa isang simpleng halaman, kusa itong dumadami hanggang sa nagiging kumplikado ang sistema at pamumuhay.
Ganundin ang mga hayop, mula sa isang specie, dumadami ang lahi mula sa isang amoeba na “unicellular” (a single cell organism), dumadami ito at nagiging “homo sapiens” na nagtataglay ng “multicellular” (many cells organism).
Kaya ang isang dalaga o binata na nag-iisa sa buhay ay hindi puwedeng hindi dumami dahil ang totoong dahilan ng buhay ay magpalahi at magparami.
Ibig sabihin, may nakalaan sa bawat isa. Hindi niya lang ito matagpuan at maaaring hindi mag-krus ang inyong landas ng lalaki o babaeng nakalaan sa iyo, sapagkat hinahadlangan ito ng tinatawag na ‘reason at will power’ ng isang indibidwal.
Mayabang kasi ang tao at lagi niyang sinasabing siya ay may rason. Sa eksaktong paliwanag, laging sinasabi ng tao na may kakayahan siyang mag-isip at mag-analisa ng mga bagay-bagay.
Sa halip na bumigay na at mag-asawa na lang bigla, dahil sa kakaisip, kakaanalisa, kakagamit ng kanyang “will power” at “reason”, maraming taong tumandang dalaga at binata.
Subukan mong isabog ang mga butil ng mais, munggo o palay sa bukid. Makikita mo na bukas-makalawa, kusa itong tutubo. Hayaan mong tumubo, lumago, mamulaklak at magkabunga, mapapansin mong kusa itong dadami. Mapapansing walang reason, will power o isip ang mga halaman, pero kusang dumadami.
Ganundin ang hayop — nagtatalik, nagpapalahi, kusang dumarami.
Kaya minsan, ang ipinagmamayabang na reason o kakayahang mag-isip ng tao o will power nating tinataglay, ang nakakagulo sa ating buhay, kaya hindi tayo nakakapag-asawa. Oo, isip ka kasi nang isip at lagi mong inaanalisa ang mga bagay, kaya hindi ka lumiligaya.
Tandaan, para makapag-asawa agad, hindi ko naman sinasabing gayahin n’yo ang mga halaman na kapag ang buto ay sinaboy sa lupa, kusang lumalago at dumadami, at ang mga hayop na pakawalan mo sa gubat ay kusang mag-aasawahan. Sa halip, ang sinasabi natin para makapag-asawa ka, kapag may dumating na babae o lalaki sa buhay mo, lalo na’t nasa peligro na ang edad mo, asawahin mo siya agad upang lumigaya ka habambuhay.
Habang, ayon sa birthday mong September 29, 1990, ang lalaking inilaan sa iyo ng kapalaran upang makasama mo habambuhay ay isinilang sa zodiac sign na Aquarius, Gemini, Aries o kapwa mo Libra, na may birth date na 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 4, 13, 22, 31, 3, 12, 21 o 30. Basta bigla siyang nahulog sa langit at nakatayo o mahusay ang pagkakatindig, wala nang isip-isip, walang sabi-sabi, sunggab agad. Sa piling ng lalaking nabanggit, magkakaroon ng sariling pamilya, hindi ka na kailanman mag-iisa at habambuhay ka nang maligaya.




Comments