Taumbayan, ‘wag paikutin
- BULGAR
- Sep 12, 2023
- 2 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 12, 2023
‘Wag tayong malilingat sa panahong ito ng pagbusisi at pagtalakay sa ating pambansang badyet para sa susunod na taon. Pera natin itong pinagpaplanuhang gastusin ng pamahalaan para raw “sa ating kapakanan”.
Mali ang akala ng mga nasa poder na tahimik lang na tinatanggap ito ng ating mga kababayan kahit ang kasuka-sukang mga panukalang inihahain ng mga nasa posisyon.
Hindi manhid at hindi mangmang ang taumbayan. May araw din sila ng paniningil.
Kumbaga sa kanta, nangunguna ngayon sa billboard ng pinagpipiyestahan, ang tinatawag na “confidential and intelligence funds”. Pero hindi dahil sa popular ito, kundi dahil nanggagalaiti at nagngingitngit ang taumbayan.
Sa gitna ng paghihirap na dinaranas ng mga mamamayan, sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mataas na interes sa kanilang mga utang na patung-patong, heto naman at hindi masawata ang gobyerno sa paglalaan ng tila sobra-sobrang “confidential funds”.
Alam na alam naman ng ordinaryong si Juan dela Cruz kung ano talaga ang pakay sa likod ng funds na iyan.
Base sa Joint Memorandum Circular (JMC) 2015-01, ang “confidential funds” ay ang “lump sum” na itinalaga bilang kumpidensyal na pondo sa ilalim ng pambansang badyet para sa “kumpidensyal na gastos” ng mga civilian agencies na mayroon nito, samantalang ang “intelligence funds” naman ay para lamang sa “military o uniformed agencies”.
Ayon sa nasabing circular, ang mga legal na maaaring paggamitan ng “confidential funds” ay para sa pagbili ng impormasyon na kailangan para sa pormulasyon o implementasyon ng mga programa, gawain at proyektong may kinalaman sa seguridad, katahimikan at kaayusan ng bansa.
Maaari rin daw itong gamitin sa pagrenta ng mga sasakyan para sa kumpidensyal na mga aktibidad, gayundin sa mga gastusin para sa maintenance ng “safehouses”.
Alokasyon din daw ito para sa mga pabuya sa mga “informer” o tagapaghatid ng mahalagang impormasyon, gayundin para mapigil o mabuko ang mga ilegal na gawaing nagdudulot ng panganib sa ahensya ng gobyernong pinaglaanan ng confidential funds.
Sa ilalim ng panukalang National Expenditure Program para sa 2024, humihingi ng confidential funds para sa mga nasabing gastusin ang Office of the President, P2.25 bilyon; Office of the Vice-President, P500 milyon; Department of Education, P150 milyon; Department of Agriculture, P50 milyon; at iba pang mga departamento at opisina. Anlaki naman n’yan lalo na sa panahong ito.
Sa kabuuan, ang hiling ng ehekutibo na confidential funds ay umaabot sa P4.864 bilyon, sa kadahilang hindi maipaliwanag nang husto sa ating mga mamamayan dahil nga ang pondong ito raw ay “confidential”. Dapat nga bang “confidential” ang lahat ng iyan?
Mahiya naman sana tayo sa taumbayan, at ‘wag magtago sa ilalim ng proteksyon ng confidential funds kung hindi naman kailangan para gumastos ng milyun-milyon na hindi maurirat ng gigil na gigil na mga mamamayan. Napakalaki ang responsibilidad ng mga mambabatas na ating sinusubaybayan kung dedepensahan ba ang ating kapakanan o kabaligtaran.
Sa bandang huli rin, may araw ng matinding paniningil ang ating mga kababayan sa kanilang mga iniluklok sa puwesto at tiyak na asintadong-asintado sila.





Bakit baga biglang nauso ngayon ang paglalaan ng milyones para sa "confidential and intelligence fund" ng halos lahat ng tanggapan ng gobyerno? Ang dapat bigyan ng malaking pondo para sa "confidential and intelligence fund" ay ang Armed Forces of the Philippines, lalo na ang ISAFP, ang Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Authorit (PDEA) at Office of the Ombudaman sapagka't sila ang higit na nangangailangan upang ganap na maipatupad nang maayos ang mandato ng kanilang mga nasabing opisina- ang AFP sapagka't ang focus ng AFP ngayon ay "external defense", ang PNP para higit na makakalap ng inpormasyon sa mga kriminal o nagbabalak gumawa ng krimen; sa PDEA para higit na mapalakas ang kapasidad ng nasabing ahensiya sa paglaban sa dru…