Taumbayan, magdoble-ingat sa pagrerehistro ng SIM
ni Ryan Sison @Boses | December 27, 2022
Ngayong araw, nakatakdang magsimula ang SIM card registration, alinsunod sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11934 o Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act.
Kaugnay nito, nagbigay-babala ang National Privacy Commission (NPC) sa publiko hinggil sa pagkalat ng emails at text messages na naglalaman ng mga peke at malisyosong instruksyon, gayundin ng mga link hinggil sa pagrerehistro ng SIM cards at virtual wallets.
Ayon sa NPC, ang mga pekeng emails at text messages ay maaaring phishing at smishing attempts upang makuha ang datos ng indibidwal na target biktimahin ng mga scammer.
Dahil dito, ipinayo ng komisyon na huwag magbigay ng anumang personal na impormasyon sa pamamagitan ng naturang emails at text messages, gayundin, huwag i-click ang anumang link o URLs na ipadadala ng mga ito.
Kasabay nito, binigyang-diin na antabayanan na lamang ng mga subscribers ang opisyal na guidelines na ilalabas ng mga kinauukulan hinggil sa SIM registration.
Opisyal nang ipatutupad ang bagong batas at umaasa tayo sa kooperasyon ng ating mga kababayan, pero bago ang lahat, huwag nating isnabin ang naturang babala.
Habang tinitiyak nating tatalima tayo sa batas, maging maingat tayo sa pagbibigay-impormasyon para iwas-aberya.
Sa kabilang banda, hangad nating magsilbi itong babala sa publiko, gayundin sa mga kinauukulan na sa kabila ng pagkakaroon ng batas, hindi pa rin tumitigil ang mga kawatan at talagang gumagawa ng paraan ang mga ito para patuloy na manamantala.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments