Taumbayan, mag-ingat sa posibleng sakit dulot ng El Niño
ni Ryan Sison @Boses | July 12, 2023
Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa pagkakaroon ng vector-borne disease tulad ng dengue matapos ideklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng El Niño phenomenon sa bansa.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang vector-borne diseases ay tumutukoy sa mga sakit ng tao na dulot ng mga parasites, virus at bacteria na itina-transmit ng mga vector, o mga living organisms na maaaring magdala ng mga nakahahawang pathogen sa pagitan ng tao, o mula sa hayop patungo sa tao. Karamihan sa mga vector na ito ay mga insektong sumisipsip ng dugo, tulad ng mga lamok, ticks at fleas.
Sinabi ni DOH Secretary Teodoro Herbosa, bukod sa mga vector-borne disease, maaari ring magkasakit ang mga tao ng water-borne disease.
Giit naman ni DOH spokesman Undersecretary Eric Tayag, sa panahon ng El Niño ay mahilig mag-imbak ng tubig ang mga tao, at ang mga water container ay ang lugar kung saan nanganganak ang mga lamok. Iyan umano ang pinakasimpleng paliwanag kung bakit nagkakaroon ng dengue.
Karaniwan din umano ang mga sakit tulad ng cholera at diarrhea sa panahon ng dry spell episode na ito sa bansa.
Upang maiwasan ang pagkakaroon ng dengue, nagpaalala ang DOH sa publiko ng “5S” strategy: search and destroy mosquito breeding sites; uphold self-protection like using of insect repellents; seek early consultation at the nearest health care facility; support fogging, spraying and misting in hot spot areas; and sustain hydration.
Pakiusap lang sa ating mga kababayan na lagi nating panatilihing malinis ang ating lugar, itapon na rin natin ang mga naimbak na tubig na pinamamahayan ng mga lamok para hindi na lumaganap pa ang dengue.
Panawagan naman sa mga barangay, habang maaga pa ay magsagawa ng mga programa kontra dengue at iba pang mga sakit. Kung magiging handa tayo, maiiwasan natin ang mga sakit na puwedeng dumapo sa atin.
Sa panahong ito, mahirap nang magkasakit kaya parati tayong mag-ingat at sundin ang mga payo ng doktor.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments