Target na ‘zero casualty’ ngayong holiday season, kakayanin!
ni Ryan Sison - @Boses | December 11, 2022
Bilang bahagi ng mapayapang pagdiriwang ng holiday season, target ng Philippine National Police (PNP) na makapagtala ng zero casualties sa nalalapit na Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ito ang inihayag ni PNP chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., kasunod ng isinagawa nitong inspeksyon sa ilang tindahan ng paputok sa Bulacan.
Kasabay nito, muling umapela ang PNP sa publiko na iwasan ang pagtangkilik at pagbili sa mga naturang produkto, bilang tulong na rin upang tumigil at mabawasan ang mga ilegal na gumagawa nito.
Binigyang-diin ng pambansang pulisya na malaking bagay ang pakikipagtulungan ng publiko upang makamit ang zero casualty para sa isang masaya at ligtas na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Samantala, nagbigay na rin ng direktiba ang opisyal sa buong hanay ng kapulisan na makipag-ugnayan sa komunidad at mga barangay para magbigay ng kamalayan hinggil sa naturang usapin upang maiwasan ang aksidente na dulot ng ilegal na paputok.
Matapos ang nasabing inspeksyon, isa-isa ring ipinakita ang sample ng mga ipinagbabawal na paputok, tulad ng Goodbye Bading, Goodbye COVID, Kwiton Parachute, Kwiton Bomb, Kabasi, Special Pla-pla, Atomic, Coke in Can.
Habang tinitiyak ng PNP na sumusunod sa panuntunan ang mga nagtitinda ng paputok, dapat matiyak na natuturuan ng leksyon ang mga gumagawa at tumatangkilik sa mga ilegal na paputok.
May mga dahilan kaya ipinagbabawal ang mga ito at isa na ang maaaring banta sa kalusugan at kaligtasan.
Naniniwala tayo na malaki ang maitutulong ng kooperasyon at disiplina ng publiko para maiwasan ang aksidente o anumang casualty dahil sa paputok.
Kaya ngayong holiday season, piliin nating maging maingat at huwag nating ilagay sa panganib ang kaligtasan ng publiko.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments