Target na makapagpatayo ng 6K klasrum sa 2023, good news!
ni Ryan Sison - @Boses | November 18, 2022
Mahigit 6,000 silid-aralan ang target na maipatayo ng Department of Education (DepEd) sa susunod na taon.
Ayon sa DepEd, may nakalaan na halos P15.9 bilyon para sa pagpapatayo ng mga bagong klasrum sa buong Pilipinas.
Sa plenary deliberation ng panukalang 2023 budget, ibinahagi ng sponsor ng panukala na si Senator Pia Cayetano na ang naturang pondo ay makakagawa ng 6,647 bagong silid-aralan.
Gayunman, kabilang pa sa mga paraan para matugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa buong bansa ay ang pagrerebyu ng Blended Learning Program, kung saan pinag-aaralan na ng ahensya na ma-institutionalize ang blended learning.
Matatandaang unang ibinahagi ng DepEd na higit 164,000 ang kulang na klasrum sa bansa.
Samantala, ikinokonsidera na umano ng ahensya ang karanasan ng bansa sa COVID-19 pandemic para sa disenyo ng mga bagong silid-aralan na ipapatayo tulad ng mas matataas na kisame at mas malalaking bintana.
Habang hinihiling naman ng DepEd na paglaanan ng pondo ang kanilang priority school health facilities, kung saan nakapaloob dito ang pondo para sa paglalagay ng handwashing facilities.
Sa ilalim ng panukalang pondo ng ahensya, walang nakalaang pondo para rito.
Kung tutuusin, marami-raming silid-aralan ang magagawa sa naturang budget at tiyak na maraming mag-aaral ang makikinabang.
Sa oras na maaprubahan, hiling natin sa mga kinauukulan na tiyaking matibay ang mga itatayong klasrum upang maiwasan ang malalang pinsala o pagkasira tuwing may kalamidad.
Tulad ng nangyari noong Bagyong Paeng, kung saan daan-daang silid-aralan ang nasira dahil sa hagupit nito. Ang ending, walang magamit na klasrum ang mga mag-aaral at nakadagdag pa sa problema sa kakulangan ng silid-aralan.
Sa ngayon, hiling natin sa mga kinauukulan na gumawa pa tayo ng mga hakbang upang matugunan ang kakulangan sa klasrum, lalo pa’t balik-eskuwela ang mga mag-aaral.
Umaasa tayong magagamit nang tama ang pondo para sa kapakinabangan ng mga estudyante.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments